Home NATIONWIDE Pag-gamit ng pekeng dokumento sa AICS, iba pang programa, ibinabala ng DSWD

Pag-gamit ng pekeng dokumento sa AICS, iba pang programa, ibinabala ng DSWD

187
0

MANILA, Philippines – Binalikan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang babala laban sa sinumang gagamit ng pekeng dokumento para makakuha ng tulong mula sa kanilang programa, kabilang ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).

“Mahigpit po naming pinapaalalahanan ang publiko na huwag gumamit ng pekeng identification cards (ID) o anumang falsified na dokumento para lamang makakuha ng tulong mula sa DSWD o sa kahit na anong ahensya ng gobyerno. Ito po ay mahigpit na ipinagbabawal at may kaukulang pananagutan sa ilalim ng ating Revised Penal Code,” ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao.

Ito ay matapos ang insidente noong Feb. 11 kung saan naharang ng isang social worker sa DSWD-NCR ang isang lalaki na nagpakitang naghahanap ng medikal na tulong sa AICS gamit ang pekeng PWD ID. Hindi tumugma ang kanyang mga pahayag sa dokumentong isinumite niya.

“Habang ini-interview ang nasabing kliyente, umamin po sya sa aming social worker na peke ang kanyang mga dokumento kaya’t agad siyang inireport ng DSWD FO NCR sa Barbosa Police Station para ipa-blotter,” dagdag ni Dumlao.

Binigyang-diin niya na ang mga taong nanloloko gamit ang pekeng dokumento ay haharap sa kaso, kabilang ang kriminal na pananagutan.

“Ang mga programa ng gobyerno ay para sa mga tunay na nangangailangan. Sa paggamit ng pekeng dokumento, hindi lamang batas ang nilalabag, kundi ay inaagawan din ng pagkakataon ang mga lehitimo na kliyente. Dahil dito, hindi magdadalawang-isip ang DSWD na magsampa ng kaso laban sa sinumang mapatunayang gumagamit ng mga pekeng dokumento,” sabi niya.

Hinimok din ni Dumlao ang publiko na ireport ang sinumang gumagamit ng pekeng dokumento sa kapulisan o law enforcement agencies.

“Hinihikayat po namin ang publiko na maging mapagmatyag at ireport ang anumang kahina-hinalang gawain sa ating mga kapulisan o sa kahit anong law enforcement agency para mapanatili ang integridad ng mga programa ng DSWD,” dagdag niya. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here