MANILA, Philippines – Iginiit ni Philippine Coast Guard Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela nitong Sabado, Pebrero 14 na ang transparency initiatives ng Pilipinas sa West Philippine Sea ay hindi dapat tingnan bilang uri ng probokasyon sa China.
Ito ay kasabay ng mga kritisismo na si Tarriela mismo ang nagpapatindi ng tensyon sa pagitan ng China at Pilipinas.
“Kung ang ginagawa ng transparency efforts is we tell the Filipino people, we inform the international community na China ang nag-violate ng International law, mali logic kung sisisihin sino aggressor at sino ang victim,” aniya.
Idinipensa ni Tarriela ang sarili at sinabing hindi siya nagpapasimula ng word war sa pagitan ng Chinese embassy at mga opisyal ng Pilipinas.
Kamakailan ay sinabi ni dating National Security Adviser Clarita Carlos sa panayam ng DZMM na bagamat ang pahayag ni Tarriela ay tama, tila nagsisiklab umano ito ng tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.
“Bakit ako ang may kasalanan dito? Sinasabi ko lang naman sa mga Pilipino at inilalathala lang naman natin sa mundo kung ano ang pambababoy, pangwawalang-hiya ng Chinese maritime forces sa ating kababayang Pilipino, sa Philippine Coast Guard. Ngayon ako pa ba ang may kasalanan? Ako ba ang dahilan bakit nagkakagulo sa West Philippine Sea?” ani Tarriela.
Aniya, ang banta ng posibleng giyera kung hindi huhupa ang tensyon ay pahayag lamang ng mga troll.
“The fear mongering, tinatakot tayo na huwag tayo tumindig, huwag tayo magsalita kasi magkaka-gyera. Sa loob ng tatlong taong mahigit sa polisiya ni President [Ferdinand] Marcos [Jr.] na not surrendering an inch of our territory, hindi naman nagkaroon ng banta ng pagkakaroon ng giyera. Ang pagbabanta ng gyera, naririnig lang natin sa DDS trolls, sa pro-China trolls,” dagdag pa niya.
Ani Tarriela, dapat manindigan ang bansa sa agresyon sa West Philippine Sea lalo’t matagal na nakipaglaban ang bansa sa colonial powers sa kasaysayan.
“We have a long history of enduring, fight[ing] for our sovereignty and independence. Alam nating lahat ilang siglo tayo naging colony ng bansang Espanya. Pinagdaanan natin ang Amerika, Hapon, and we still chose to stand up, we chose sovereignty. This time around, this is another battle.”
“Ang nakakalungkot, yung nagsasabi na tumahimik na lang tayo kasi ‘di natin kakayanin. Tumahimik na lang tayo kasi marami silang pera. Hindi tayo binigyan ng kasaysayan na kasing kulay ng ating kasarinlan, para sabihing were going to be silenced kasi maraming pera ang China at malaki sila at mahina ang Pilipinas,” dagdag ni Tarriela.
Sinabi naman ni Maritime Law expert Prof. Jay Batongbacal of the Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea na nananatiling ‘complex’ ang bilateral relations sa pagitan ng China at Pilipinas. RNT/JGC