MANILA, Philippines – Tinawag ni House Committee on Public Accounts Chairperson Terry Ridon na “double hearsay” ang pahayag na may rekord umanong hawak ng usapan sa pagitan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating Undesecretary Adrian Bersamin na nagpapakita umano ng direktang kaugnayan ng Pangulo sa mga kickback ng flood control projects.
Ani Ridon, hangga’t hindi si Bersamin mismo ang magkumpirma ng authenticity ng umano’y komunikasyon ay walang probative value ang alegasyon.
“Parang intriga ho at bare allegations lang po ‘yung mga sinasabi noon pong dalawang mga kinatawan. Ito po ay essentially parang propaganda lang at sabi-sabi noon pong mga nagsasalita. Kasi ultimately ang tatanungin po ng committee dito, “Are these personal knowledge or authenticated documents?” So basically babagsak din po siya doon sa kinasapitan po ng mga Zaldy Co videos eh. Kasi unless mayroon pong affidavit doon na nagsasabi na “Yes, these are my communications with the President”, kahit ilagay pa ho nila yan sa impeachment complaint, I think it will still be junked on substance,” paliwanag ni Ridon.
Nitong Biyernes, Pebrero 13, sinabi ni ACT Teachers Party List Representative Antonio Tinio na ang rekord ng umano’y komunikasyon nina Marcos at Bersamin ay maaaring magamit bilang basehan sa panibagong impeachment complaint laban sa Pangulo sa oras na matapos na ang one-year bar sa Enero 2027.
Sa kabila nito, inamin ni Tinio na ang mga alegasyon ay maikokonsiderang “hearsay” dahil hindi niya mismo nakita ang mensahe sa cellphone ni Bersamin.
Ngunit, iginiit ng mambabatas na ang rekord ng komunikasyon ay credible at gumawa ng video affidavit si Bersamin kaugnay nito.
Bagamat wala pang inilalabas na kopya ng mga mensaheng ito o video ni Bersamin, sinabi ni Tinio na si Batangas Rep. Leandro Leviste ay may kopya.
“May paliwanag si Congressman Leviste kung paano niya nakuha ito. Basically, pumunta sa bahay niya si Adrian Bersamin sometime in November last year para buuin ‘yung affidavit containing this information, bilang proteksyon sa sarili niya, sa tingin niya. Dahil kung didiinan siya na involved siya sa kickbacks and corruption, ipapakita niya na utos ito ng Pangulo, that was the objective. Tapos mayroong CCTV footage na ipinakita sa amin si Congressman Leviste of Adrian Bersamin going to his house, residence ni Leviste. Tapos magkasama sila, pumapasok at saka lumalabas ng bahay. Supposedly this was the time when Bersamin accomplished at least part of his affidavit, and partly explains how Leviste got these records,” salaysay nito.
“This was in November when Senator Ping Lacson in plenary gave a speech, idine-detalye niya ‘yung kwento sa kanya ni Bernardo about the P8 billion kickbacks, and then Senator Lacson insisted na ginamit lang or ni-namedrop lang ni Bersamin at Trygve Olaivar ang pangalan ng Pangulo, na walang alam ang Pangulo. So that’s when they panicked, kasi tingin nila mukhang tayo ang gagawing mga scapegoat dito. So they started making their affidavits,” sinabi pa ni Tinio.
Samantala, sinabi ni House Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong, kung may sapat na ebidensya sa paratang ay dapat itong naipresenta sa deliberasyon ng House panel sa impeachment complaints laban sa Pangulo.
“These are serious accusations. Kung may ebidensiya, may tamang proseso para rito. Let us allow institutions to function as they should,” dagdag pa nito.
Pinabulaanan ng Malakanyang ang naturang isyu at sinabing ang Pangulo ay hindi sangkot sa anumang uri ng korapsyon.
“Sa ngayon po, ang anumang pinapahid na isyu ng korapsiyon sa Pangulo ay atin pong pinasisinungalingan” sinabi ni Communications Undersecretary Claire Castro. RNT/JGC