MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Mark Villar nang agarang pagpasa ng proposed National Autism Care, Support and Inclusion Act, isang substitute measure na naglalayong gumawa ng komprehensibong national framework para sa pangangalaga, suporta at full inclusion ng Filipinos with Autism Spectrum Disorder (ASD).
Ayon kay Villar, layon ng panukala na tugunan ang persistent gaps na kinakaharap ng mga taong may ASD at kanilang mga pamilya kabilang ang hirap sa pagkuha ng maagang screening at diagnosis, limitadong access sa specialized health services, at hindi pantay na availability ng inclusive education, barriers to employment at mahinang community-based support systems.
Aniya, sa kabila ng Republic Act No. 11228 na kumikilala sa autism bilang isang disability, nananatiling kulang ang mga serbisyo para rito.
Sa ilalim ng substitute bill, isusulong nito ang institusyonalisasyon ng National Plan of Action for ASD at mag-oobliga ng coordinated, multisectoral planning at implementasyon sa mga ahensya ng pamahalaan at stakeholders.
Itinatalaga nito ang National Council on Disability Affairs bilang lead agency na mangangasiwa sa implementasyon, na may probisyong layong palakasin ang early detection at comprehensive health services, pagpapabuti sa inclusive education pathways, pagsusulong ng equal employment opportunities, pagpapalawak ng social protection at community-based services, at pagbibigay ng family education at counseling support.
Sa privilege speech sa plenary ng Senado, pinasalamatan ni Villar si Senador Risa Hontiveros sa pagsusulong ng panukala at sinabing ang pagpasa nito ay nagpapakita ng malinaw na mensahe ng suporta sa mga Filipino. RNT/JGC