MANILA, Philippines — Bumaba ng 2.04 porsiyento sa P1.92 trilyon ang mga bagong investment commitments na inaprubahan ng Philippine investment promotion agencies (IPAs) noong 2025, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Gayunman, sumirit ng 193.8 porsiyento ang approvals sa ikaapat na quarter na umabot sa P1.1 trilyon mula sa P370 bilyon sa kaparehong panahon noong 2024.
Sa naturang quarter, umabot sa P990 bilyon o 90.6 porsiyento ng kabuuan ang pamumuhunan ng mga Pilipino.
Tinatayang lilikha ito ng 48,227 trabaho, mas mababa ng 13.6 porsiyento kumpara sa 55,843 noong nakaraang taon. Sa kabuuang inaasahang trabaho, 35,063 o 72.7 porsiyento ang manggagaling sa foreign-backed projects.
Pinakamalaking bahagi ng investments noong 2025 ang napunta sa electricity, gas, steam at air conditioning supply na umabot sa P991.61 bilyon o 51.6 porsiyento ng kabuuan.
Sumunod ang real estate activities na may P327.45 bilyon, transportation and storage na P230.71 bilyon, at manufacturing na P215.38 bilyon.
Sa fourth quarter, umabot sa P103.33 bilyon ang foreign investment approvals, mas mataas ng 79.1 porsiyento mula sa P57.7 bilyon noong 2024.
Nanguna ang Netherlands bilang pangunahing pinagmulan ng investments na may P33.05 bilyon o 32 porsiyento ng total, kasunod ang Japan na may P17.88 bilyon (17.3%) at Singapore na may P17.66 bilyon (17.1%).
Pinakamalaking bahagi ng foreign pledges ang napunta sa electricity, gas, steam at air conditioning supply na may P49.41 bilyon (47.8%), sinundan ng manufacturing na P34.68 bilyon (33.6%) at information and communications na P4.76 bilyon (4.6%).
Sa rehiyon, nanguna ang Calabarzon na may P46.85 bilyon o 45.3 porsiyento ng total foreign approvals sa fourth quarter. Sumunod ang Central Luzon na may P35.36 bilyon (34.2%) at Negros Island Region na may P7.79 bilyon (7.75%).
Samantala, bumaba ng 3.7 porsiyento sa P1.56 trilyon ang approvals ng Board of Investments (BOI), kulang sa target nitong P1.75 trilyon. Gayunman, nanatili itong may pinakamalaking bahagi sa kabuuang approvals na 81.25 porsiyento.
Pumangalawa ang Philippine Economic Zone Authority (PEZA) na may P260.89 bilyon o 13.59 porsiyento ng total—ang pinakamataas nito mula 2016 at 21.91 porsiyentong mas mataas kumpara sa P214.18 bilyon noong 2024.
Nasa humigit-kumulang P100 bilyon o 5.21 porsiyento naman ang pinagsamang ambag ng iba pang investment authorities. RNT/JGC