MANILA, Philippines -TIKLO ang dalawang tulak ng iligal na droga kabilang ang isang itinuturing na High Value Individual (HVI) nang kumagat sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City.
Sa ulat ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Caloocan Police hinggil sa umano’y illegal drug activities ni alyas “King”, 25.
Kaagad ikinasa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni P/Lt. Restie Mables ang buy bust operation laban kay alyas King, sa koordinasyon sa PDEA nang magawang makipagtransaksyon sa kanya ng isa sa mga operatiba.
Nang tanggapin umano ng suspek ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba, kasama ang kanyang kasabwat na si alyas “Wendel”, 22, dakong alas-4:13 ng hapon sa Blk 6 Lot 78, Tanigue St., Brgy 14.
Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 53.61 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P364,548, buy bust money na isang tunay na P500 bill at 12 pirasong P1000 boodle money, dalawang baril, tatlong bala, digital weighing scale at itim na sling bag.
Mga kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 at R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang isinampa laban sa mga suspek sa pamamagitan ng inquest proceedings sa Caloocan City Prosecutor Office. Merly Duero