DAGUPAN, Philippines – Bumisita noong Linggo si Vice President Sara Duterte sa burol ni dating House Speaker Jose de Venecia Jr. sa Simbaan Ya Bato (Annunciation of the Lord Parish) sa Barangay Bonuan Gueset, Dagupan City.
Ayon sa Office of the Vice President, nag-alay si Duterte ng dasal at nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya at mga mahal sa buhay ng yumaong Speaker.
Noong Pebrero 14, napuno ang mga kalye ng Dagupan sa isang solemn procession na nagdala sa kanyang labi sa City Plaza, sinundan ng memorial program at presentasyon ng city resolution bilang pagkilala sa kanyang buhay, pamana, at paglilingkod sa publiko.
Isasagawa naman ang necrological service sa Plenary Hall sa Pebrero 16, alas-10 ng umaga, kasama ang invocation, eulogies mula sa House leaders at mga kasamahan, pagpapakita ng legislative memorabilia, video presentation ng kanyang serbisyo, at tugon mula sa pamilya.
Si De Venecia, na nagsilbi bilang Speaker mula 1992 hanggang 2008 sa limang termino, ay pumanaw noong Pebrero 10, 2026, sa edad na 89. Ipapalibing siya sa Libingan ng mga Bayani sa Pebrero 18. RNT/MND