MANILA, Philippines – Patay ang dalawang pedestrian sa magkahiwalay na aksidente sa kalsada sa Quezon province nitong Linggo, Pebrero 15.
Sa Lucena City, patay ang 45-anyos na kinilalang si “Arnulfo.” Tumatawid ang biktima sa diversion road sa Barangay Ibabang Dupay bandang alas-10 ng gabi nang banggain ng pampasaherong bus na minamaneho ni “Edmundo,” 48.
Patay on the spot ang biktima dahil sa tinamong pinsala sa katawan.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang bus driver at nahaharap sa kaukulang kaso.
Samantala, sa Tayabas City ay nasawi rin ang 55-anyos na babae na kinilalang si “Jocelyn” matapos banggain ng humaharurot na motorsiklo sa highway sa Barangay Isabang bandang alas-6 ng umaga.
Nagtamo ng seryosong pinsala sa katawan ang biktima na agad isinugod sa ospital ngunit idineklarang patay habang ginagamot.
Kinilala ang 19-anyos na rider na si “Keith” na nagtamo rin ng pinsala sa katawan at inilagay sa hospital arrest. RNT/JGC