BASILAN, Philippines — Inilunsad ng pamahalaang panlalawigan ng Basilan ang kauna-unahang Provincial Madaris Development Council (PMDC) upang higit na patatagin ang pundasyon ng Madaris o Islamic schools sa lalawigan.
Itinatag ang konseho sa pamamagitan ng Executive Order No. 2026-06 upang maisabatas at maisulong ang institusyonalisasyon ng Madaris education sa buong Basilan.
“Kapag ganap nang naisakatuparan ang konsehong ito, magiging mas matatag ang suporta sa Madrasah at mas masisiguro ang kinabukasan ng kabataang Basileño. Nagsisimula ang pagkakaisa sa Madrasah,” pahayag ni Basilan Gov. Mujiv Hataman.
Tinawag naman ni Prof. Alzad Sattar, vice president ng Basilan Ulama Supreme Council, na “game changer” ang pagtatatag ng PMDC para sa mga Mudarrisun at Mudarrisat o mga guro sa Madrasah.
Ayon kay Sattar, prayoridad ng administrasyon ni Hataman na gawing mas makabuluhan at akma sa pangangailangan ng komunidad ang kurikulum.
Binigyang-pugay naman ni Ambassador for Goodwill Queenie Padilla ang sakripisyo ng mga Asatidz o Muslim teachers.
“Kayo ang tunay na bayani,” aniya, sabay-diin sa kahalagahan ng matibay na pundasyon sa Deen o relihiyon.
Sa kasalukuyan, may 370 Madrasah sa 255 barangay sa Basilan.
Nagpahayag din ng buong suporta si Isabela City Mayor Sitti Djalia Turabin-Hataman sa PMDC at iginiit na ang mabuting asal at pagsasabuhay ng pananampalataya ang susi sa pagiging mabuting mamamayan.
Inanunsyo rin ng gobernador ang pagbibigay ng uniform subsidy sa mga guro ng Madrasah at ang pagsisimula ng konstruksyon ng mga pasilidad ngayong taon.
Target ng pamahalaang panlalawigan, katuwang ang Basilan Ulama Supreme Council at iba pang ahensya, na gawing modelo ng Madrasah institution ang Basilan pagsapit ng 2026.
Dinaluhan ng mahigit 3,327 Mudeers at mga mag-aaral mula sa iba’t ibang bayan ang paglulunsad ng PMDC sa Lamitan City Gymnasium, na sinuportahan din ng pulisya, militar at iba pang stakeholders. RNT/JGC