MANILA, Philippines – NAGLABAS ang Energy Regulatory Commission (ERC) ng 24 show-cause orders laban sa power generation companies na lumampas sa pinapayagang regulatory limit ng unplanned power plant outages.
Sa isang kalatas, ipinag-utos ng ERC sa 13 generation companies na magpaliwanag kung bakit hindi sumunod ang mga ito sa ‘reliability performance standards.’
Ayon sa ERC, bahagi ito ng patuloy na pagsusuri ng komisyon sa mga power plant outage sa gitna ng mga ulat ng paulit-ulit na pagkaantala sa suplay ng kuryente at mataas na presyo nito, partikular sa Visayas at Mindanao.
Sinabi ng ERC na noong Hunyo, naglabas din ito ng Notices of Non-Compliance with Order to Comply and Explain laban sa 25 generation companies na inatasang magpaliwanag sa mga outage na kinasangkutan ng 48 generating units.
Sinasabing, sinuri ng komisyon ang mga outage record, paliwanag at dokumentong isinumite ng mga kompanya. Batay sa pagsusuri, naglabas ito ng show cause order laban sa mga kompanyang lumampas sa itinakdang Equivalent Unplanned Outage limits.
Bukod dito, susuriin din ng ERC ang mga isusumiteng dokumento bago resolbahin ang mga kaso at magpataw ng kaukulang parusa kung mapatunayang may paglabag sa mga pamantayan.
Patuloy ding mino-monitor ng komisyon ang reliability performance ng mga generating facility at kondisyon ng mga grid upang matiyak ang pagsunod sa mga regulasyon at matugunan ang mga alalahanin sa suplay ng kuryente. KRIS JOSE