MANILA, Philippines – Blangko pa ang Manila Police District (MPD) sa pagkakilanlan ng isang bangkay ng lalaki na natagpuang nakasilid sa drum sa harap ng Delpan Sports Complex sa kahabaan ng Mel Lopez Boulevard northbound, Barangay 275, Binondo, Maynila.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, alas-7:30 ng gabi nang matuklasan ang bangkay ng lalaki na bahagyang nakabalot pa ng itim na trash bag.
Base umano sa pahayag ng dalawang testigo na kapwa scavenger, isang L300 van ang huminto sa ibabaw ng Mel Lopez Bridge at dalawang lalaki ang nagbaba ng asul na drum na nakabalot ng plastic tape.
Inutusan umano ng dalawang lalaki ang mga testigo na itapon ito kapalit ng halaga at nang magkabayaran ay saka umalis ang sasakyan patungo sa northbound ng Mel Lopez Blvd.
Isinakay naman ng dalawang scavenger ang naturang drum sa cast at iniwan ito sa isang gilid sa harap ng Delpan Sports Complex.
Habang inaalis ang laman ng drum ay doon lamang napansin ng dalawa ang nakabukas na plastic at natuklasan ang tila bahagi ng katawan ng tao na agad naman nilang ipinag-alam sa kinauukulan.
Dinala ang mga bahagi ng katawan sa Funeraria Cruz para sa kaukulang pagsusuri.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at ang mga responsable sa krimen.
Sinusuri na rin ng MPD-Homicide Section ang mga CCTV sa lugar upang matukoy kung saan galing at patungo ang sasakyan na nagbaba ng drum. Jocelyn Tabangcura-Domenden