MANILA, Philippines – Isinusulong sa House of Representatives ang House Bill No. 7663 o Comprehensive Farmers’ Pension and Social Protection Act, na magbibigay ng P3,000 buwanang pensyon at life, accident, at disability insurance para sa mga kwalipikadong magsasaka.
Ayon kay Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin Romualdez, layunin ng panukala na mabigyan ng seguridad sa pananalapi ang matatanda at mahihirap na magsasaka na hindi saklaw ng Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), o pribadong retirement plans.
Sa ilalim ng panukala, ang “elderly farmer” ay 60 taong gulang pataas at walang natatanggap na pensyon. Ang “disabled farmer” ay may medikal na sertipikasyon na hindi na kayang magtrabaho sa bukid, habang ang “indigent farmer” ay kinikilala ng lokal na pamahalaan batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) alinsunod sa Community-Based Monitoring System Act.
Ipatutupad ang programa ng Department of Agriculture (DA) katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Philippine Crop Insurance Corp. Nakapaloob din ang P50,000 life insurance at hanggang P25,000 accident o disability assistance kada claim.
Isasama ang pondo sa taunang badyet ng DA at DSWD, at magtatatag ng national database ng mga benepisyaryong magsasaka. May parusang pagkakakulong ng isang buwan hanggang isang taon o multang P10,000 hanggang P100,000 sa sinumang sangkot sa pandaraya.
Co-author ng panukala si Tingog Party-list Rep. Jude Acidre. RNT/MND