MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na apat pang Pilipino na nagsilbing mercenaries para sa Russia ang kasalukuyang bihag bilang prisoners of war sa Ukraine.
Ayon sa DFA, hinahawakan nito ang limang request for assistance kaugnay ng mga Pilipino sa Ukraine, kabilang ang kaso ni Raymon Gumangan. Kinumpirma ni DFA spokesperson Angelica Escalona na kabilang si Gumangan sa mga bihag at may isang Pilipino ring kumpirmadong nasawi kamakailan.
“In addition to that, there is the case of Mr. Raymon Gumangan, who is a confirmed prisoner of war in Ukraine. Recently, it was also confirmed that one Filipino has died,” ani Escalona.
“The DFA has already spoken with the family, but we will not be able to share details at the request of the family,” dagdag niya.
Sinabi ni Escalona na nakakatanggap ang DFA ng iba’t ibang ulat kung paano na-recruit ang mga Pilipino at nagbabala sa publiko na mag-ingat sa mga alok na trabaho sa ibang bansa.
“We can’t really share the details, but we are hearing different stories. What we are saying is that everyone should be careful regarding overseas employment offers,” aniya.
Sinabi rin ng DFA na ipinaabot na nito ang kaso ni Gumangan sa mga awtoridad ng Ukraine at Russia, ngunit aminado itong komplikado ang proseso ng pagpapalaya o pagpapauwi sa mga bihag dahil hindi kabilang ang Pilipinas sa naturang digmaan.
“Any release or repatriation of a prisoner of war is subject to agreements between parties to the conflict. Nevertheless, we are exploring all avenues to assist him,” ani Escalona.
Muling nagbabala ang DFA sa mga Pilipino na maging maingat sa mga online job offers, at binigyang-diin na may deployment ban sa Ukraine ngunit wala sa Russia.
Nauna nang nanawagan si Senator Erwin Tulfo, chair ng Senate Committee on Foreign Relations, para sa pagpapalaya kay Gumangan at nakipagpulong kay Ukrainian Ambassador to the Philippines Yuliia Fediv, na nangakong tutulong sa pagpapadali ng komunikasyon sa pagitan ni Gumangan at ng kanyang pamilya.
Plano rin ni Tulfo na makipag-ugnayan sa DFA at Department of Migrant Workers upang tugunan ang kalagayan ng mga Pilipino sa mga conflict zones, habang nagpapatuloy ang paghahanda para sa isang joint labor agreement sa pagitan ng Pilipinas at Ukraine. Dave Baluyot