MANILA, Philippines – Itinuturing na person of interest ng pulisya ang driver ng pinaslang na negosyanteng si Maria Teresa Mamac habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa kanyang pagkamatay.
Natagpuan ang bangkay ng 59-anyos na biktima na nakabaon sa loob ng compound ng kanyang bahay sa Angeles City noong Lunes, apat na araw matapos siyang maiulat na nawawala noong Pebrero 12. Siya ang biyuda ng dating chairman ng Barangay Balibago.
Natuklasan ng mga awtoridad ang kahina-hinalang hukay malapit sa kulungan ng baboy, na ilang hakbang lamang mula sa bahay ng driver.
“Most likely may butas na po ‘yun kasi impossible kang makapaghukay ka ng ganun kalalim within a span of one hour,” ani Police Major Ronan James Eblahan, commander ng Angeles City Police Station 4.
Sa autopsy, lumabas na may matinding pinsala sa ulo ang biktima.
“Basag po dito sa may left part ng ulo niya and most likely po pinalo ng isang matigas na bagay…Parang durog po nung kinakapa,” ani Eblahan.
Batay sa CCTV footage, isang lalaking kinilalang “Manuel,” na mahigit 20 taon nang driver ng pamilya, ang nakitang lumabas ng compound ng Mamac bandang 7:22 p.m. noong Pebrero 12 at kalaunan ay bumalik matapos tumanggap ng food delivery.
Makalipas ang ilang minuto, dumating ang puting sasakyan ng biktima sa kanilang tirahan.
Bandang 7:30 p.m., may narinig na sigaw sa CCTV footage sa loob ng bahay na pinaniniwalaang mula sa biktima. Makalipas ang isang oras, nakita ang puting sasakyan na umaalis sa compound. Ayon sa isang saksi, nakita niyang bumaba si “Manuel” mula sa sasakyan at mabilis na isinara ang gate.
Natagpuan ang sasakyan na inabandona sa Magalang Municipal Plaza noong Pebrero 14 at isinailalim sa forensic examination.
Hindi na nakita o nakontak si “Manuel” ng pamilya mula noong Pebrero 12 at ngayon ay target ng police manhunt operation.
“Siya lang po yung huling nakita na kasama po nung victim and huling nakita na may tanan po nung sasakyan. So we considered him as a person of interest,” ani Eblahan.
“Ongoing po yung forward tracking natin and sinusundan po natin itong si “Manuel”, through CCTVs kung saan po siya nagpunta,” dagdag niya.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang pamilya ni Mamac habang nagluluksa. Nag-alok naman ng ₱200,000 reward si Pampanga 1st District Representative Carmelo Lazatin Jr. para sa impormasyong makatutulong sa pagtukoy sa suspek sa krimen. Mary Anne Sapico