Home NATIONWIDE 3 patay, 4 sugatan sa magkahiwalay na avalanche sa French Alps

3 patay, 4 sugatan sa magkahiwalay na avalanche sa French Alps

199
0

FRANCE — Tatlong katao ang nasawi at apat ang nasugatan sa magkahiwalay na avalanche sa French Alps, ayon sa mga lokal na awtoridad at ulat ng media nitong Martes, Pebrero 17.

Bandang tanghali, isang malawak na pagguho ng niyebe na may lapad na humigit-kumulang 300 metro ang tumabon sa isang kalsada at footpath sa bayan ng Valloire sa timog-silangang France, ayon sa prefecture ng Savoie.

Mahigit apat na oras na nagsagawa ng rescue operations ang mountain police, mga bumbero, dog units at army specialists bago ito itinigil dahil sa panganib ng panibagong avalanche.

Dalawa sa mga sugatan ang nasa kritikal na kondisyon at inilikas sakay ng helicopter patungo sa kalapit na ospital.

Samantala, iniulat ng French broadcaster na BFMTV, batay sa pahayag ng prosecutor sa bayan ng Gap, na dalawa pang skier ang nasawi sa hiwalay na off-piste avalanche sa La Grave sa karatig na rehiyon ng Hautes-Alpes.

Nananatili sa orange avalanche alert ang Savoie nitong Martes, ayon sa Meteo France, bagama’t inaasahang bubuti ang kondisyon ng panahon sa mga susunod na araw.

Ang mga insidente ay naganap habang hinaharap ng France ang matinding pag-ulan at pagbaha sa ilang kanlurang rehiyon, bukod pa sa malakas na pag-ulan ng niyebe sa Alps.

Noong nakaraang Biyernes, tatlo ring skier ang nasawi matapos matangay ng avalanche sa Val d’Isere. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here