MANILA, Philippines – Magdadala ang Shear Line ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan sa silangang bahagi ng Mindanao, habang makakaapekto naman ang Northeast Monsoon o Amihan sa Luzon at Visayas ngayong Huwebes, ayon sa PAGASA.
Ayon sa weather bureau, hanggang alas-2 ng madaling araw ay wala silang binabantayang Low Pressure Area (LPA) na posibleng maging bagyo.
Inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms sa Caraga, Davao Region, Northern Mindanao, SOCCKSKARGEN, Eastern Samar, Samar, Biliran, Leyte, Southern Leyte, Cebu, Bohol, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi dulot ng Shear Line. Nagbabala ang PAGASA sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.
Makakaranas naman ng maulap na kalangitan na may mahinang pag-ulan ang Cagayan Valley, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Aurora, at Quezon dahil sa Amihan, ngunit wala umanong inaasahang malaking epekto.
Samantala, magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may isolated rain showers o thunderstorms sa natitirang bahagi ng Mindanao dulot ng localized thunderstorms, na maaaring magdulot ng pagbaha o pagguho ng lupa. Makakaranas din ang Metro Manila, natitirang bahagi ng Luzon, at Visayas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may isolated light rains dulot ng Amihan, na may minimal na epekto.
Idinagdag ng PAGASA na makararanas ang Luzon at silangang bahagi ng bansa ng katamtaman hanggang malakas na hangin mula hilagang-silangan na magdudulot ng katamtaman hanggang maalon na karagatan.
Sa natitirang bahagi ng bansa, inaasahan ang mahina hanggang katamtamang hangin mula hilagang-silangan hanggang silangan, na may bahagya hanggang katamtamang alon sa karagatan. RNT