“AKO si Sara Duterte, tatakbo bilang Pangulo ng Pilipinas.
Simple lang na pahayag at tinutukoy rito ang halalang presidensyal sa 2028.
Aniya pa, “Mga kababayan, humihingi ako ng paumanhin sa inyong lahat. Patawad kung tinulungan kong mahalal si BBM bilang Pangulo ng ating bansa.”
Ngunit ipinahayag din niya na inaako niya nang buo ang responsibilidad dito at inalala rin niya ang pagkadismaya ng mga mamamayan sa tuloy-tuloy at malaganap na mga pambansang masasamang isyu.
Aniya, nabigo si President Ferdinand Marcos Jr. na tuparin ang mga pangako nito noong kampanyahan at mga tungkulin nito bilang Pangulo.
Hindi niya umano nakaya ang katiwalian sa pamahalaan kaya nagbitiw siya noon na miyembro ng gabinete bilang Kalihim ng Department of Education.
“Dahil hindi ko kinayang maging bahagi ng 2025 national budget na tadtad ng katiwalian, pinili kong umalis sa Gabinete,” katwiran niya, sabay-sabing sa mga unang araw pa lamang, nagsimula na siyang magtanong sa kawalan ng integridad sa pamamahala.
MAHAL NA BILIHIN, KRIMEN, BAHA
Idinetalye ni VP Sara ang mga problemang pambansa na hindi natutugunan nang maayos o may malalaking kabiguan si Marcos gaya ng patuloy na pagbaha, kakapusan ng pagkain, mahinang sistema sa kalusugan, palpak ng mga imprastraktura at hindi maawat-awat na droga, krimen at terorismo.
Partikular na pinuna nito ang grabe nang pagmamahal ng presyo ng mga batayang bilihin sa harap ng kakapusan ng kita ng bawat pamilya.
Pinuna na rin nito ang hindi malinaw na patakarang pandayuhan kaya naman naiipit ngayon ang Pilipinas sa mga nag-uuntugang higanteng bansa.
IMPEACHMENT AT ATAKENG PULITIKAL
Tinawag ni Inday Sara ang mga pagdinig sa Kongreso laban sa kanya bilang mga drama na sinadya para lang sirain ang kanyang dangal o reputasyon.
“Matagal na akong inaatake gamit ang buong makinarya ng kapangyarihan,” aniya.
At sa ganitong mga pangyayari, inihayag niya ang kanyang takot na madamay pati ang mga kabataan, maging ang kanilang kinabukasan.
Paliwanag niya, “I cannot kneel before each and every Filipino to beg for forgiveness. Instead, I offer my life, my strength, and my future in the service of our nation.”
Hiniling din niyang itigil na ang lahat na paninira o pagpapabagsak sa kanya, kasama ang tatlong impeachment complaint na isinampa laban sa kanya sa buwang ito na walang nakatitiyak kung saan hahantong.
KANYA-KANYANG PALUTANG NG SARILI
Hindi kaila na simula pa lang ng administrasyong Marcos, may nagmamaniobra na para palutangin ang sarili na siyang hahalili sa Malakanyang.
Ngunit maagang naudlot ang lahat dahil sa mga iskandalo sa mga flood control project at iba pang mga proyekto ng pamahalaan at tumalsik at kumapit ang mga putik at mantsa ng iskandalo at kikbakan sa kung kani-kanino na lamang.
May mga sumabay o sumunod ding nagpalutang ng mga sarili ngunit tila nag-aagawan pa ang mga ito ng mga magiging kakampi na mga partido pulitikal, organisasyon at financier.
Sa kabilang banda, itong si Inday Sara, habang pinalulubog, lalong lumulutang kahit wala itong dala-dalang salbabida at klaro ito sa mga isinasagawang sarbey.
Hmmmm. Ano kaya meron siya bilang kandidato sa pagka-Pangulo sa 2028…kung matutuloy ang halalan?






