MANILA, Philippines – NAGBABALA ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga kababayang Pilipino na mag-ingat sa mga alok na trabaho sa ibang bansa sa pamamagitan ng online platforms dahil sa umano’y panlilinlang.
Kasabay nito, tiniyak ng kagawaran na inaasikaso ang pagbabalik sa bansa ng pitong Pilipinong sangkot sa giyera sa Ukraine.
Mahirap umano ang sitwasyon sa repatriation ng pitong Pilipinong “mercenaries” dahil hindi sangkot ang Pilipinas sa giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia.
“We are requesting their assistance in this matter for our kababayans. This is a complicated process because the Philippines is not party to the conflict,” sabi ni DFA spokesperson Angelica Escalona.
Kumpirmado na umanong patay ang isa, habang ang natitira ay kasalukuyang hawak sa Ukraine bilang prisoners of war (POWs).
Nagsilbi umano bilang mercenaries ng Russia, o bayarang sandatahan, ang pito, ngunit inaasikaso ng DFA ang kanilang pagpapauwi sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Ukraine, Russia, at Red Cross.
Magdedepende umano sa magiging kasunduan ng Ukraine at Russia ang pagpapauwi sa mga Pilipinong mercenaries na prisoners of war (POWs), alinsunod sa international laws at policies sa mga detainee.
“’Yon ang challenge, hindi siya straightforward na repatriate agad,” sabi ng spokesperson.
Kumpirmado ng Ukraine na nasawi sa bakbakan ang isang John Patrick, isang Filipino national, sa Ukrainian positions, posibleng sa Kramatorsk District, Donetsk region.
Sa loob ng apat na taon mula Pebrero 2022, nagpapatuloy ang giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia, at tinatayang nasa 20 porsyento ng Ukraine ang nasakop ng Russian forces.