Home NATIONWIDE BOC, intelligence agencies nag-alyansa kontra smuggling

BOC, intelligence agencies nag-alyansa kontra smuggling

1
0

MANILA, Philippines – Pinagtibay ng Bureau of Customs (BOC) at iba’t ibang intelligence at law enforcement agencies ang kanilang pagtutulungan upang mas maagap na matukoy at masugpo ang smuggling at iba pang banta sa seguridad ng bansa.

Ito ang naging sentro ng Regional Inter-Agency Intelligence Summit on Border Security and Anti-Smuggling Operations na pinangunahan ng BOC-Port of Cagayan de Oro noong Setyembre 25, 2026.

Layunin ng pagtitipon na palakasin ang palitan ng impormasyon at koordinasyon ng mga ahensya upang mapabilis ang pagtukoy sa mga kahina-hinalang aktibidad at maisagawa ang nararapat na aksyon laban sa mga lumalabag sa batas.

Binigyang-diin ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno na hindi kayang labanan ng iisang ahensya lamang ang mga banta sa mga hangganan ng bansa.

Ayon kay Nepomuceno, mahalaga ang matibay na ugnayan ng mga intelligence at law enforcement agencies upang mapalawak ang kakayahan ng pamahalaan na matukoy ang mga panganib, pigilan ang smuggling at mapangalagaan ang seguridad ng bansa.

Kabilang sa mga dumalo ang mga kinatawan ng Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine Army, Philippine Navy, National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Philippine National Police-Intelligence Group (PNP-IG) at Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS).

Tinalakay sa summit ang mga bagong banta sa seguridad, mga hamon sa operasyon at mga estratehiyang nakabatay sa intelligence upang higit na mapahusay ang pagbabantay sa mga hangganan ng bansa.

Iginiit naman ni Deputy Commissioner PMGen. Emmanuel Luis D. Licup (Ret.) na hindi sapat ang basta pagkakaroon ng impormasyon kung hindi ito mabeberipika at maipararating agad sa tamang ahensya.

Aniya, ang maagap na pagpapatunay at pagbabahagi ng intelligence information ang susi upang maisagawa ang napapanahon at angkop na aksyon laban sa mga ilegal na gawain.

Nagbahagi rin ng kanilang karanasan sina dating CIIS Director Thomas M. Narcise at Redford L. Surposa, hepe ng BOC-CIIS Cagayan de Oro at Surigao, kasama ang mga resource person mula sa PCG, PDEA at NICA.

Binigyang-diin naman ni District Collector Col. Arnaldo M. Saulong ang kahalagahan ng paggamit ng intelligence information sa pagpaplano at pagsasagawa ng mga operasyon, lalo na sa harap ng nagbabagong banta sa rehiyon.

Sa pamamagitan ng mas malawak na koordinasyon at mabilis na palitan ng impormasyon, inaasahang mapalalakas ang mga operasyon laban sa smuggling at mapatatag ang pagbabantay sa mga hangganan ng bansa. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here