MANILA, Philippines – Matinding kinalampag ni Senador Pia Cayetano and Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri ang gobyerno hinggil sa pagpapatupad ng grassroots sports development program upang humubog ng susunod na atleta na makakapalit ng kasalukuyang kampeon sa kani-kanilang larangan.
Sa pagdinig hinggil sa pagdinig ng Senate committee on sports development, binigyang-diin nina Cayetano at Zubiri noong nakaraang linggo kailangan malakas ang suporta ng gobyerno sa atletang Filipino.
“Nasaan ang mga susunod na EJ Obiena?”, tanong ni Cayetano saka itinampok ang pangangailangan ng athlete succession at mas malawak na pagpapalaganap ng sports sa bansa.
Kinausap niya si Filipino pole vaulter EJ Obiena tungkol sa mga hamon sa pagpo-promote ng sport niya nationwide.
“Inasmuch as we want to compete at the highest level, age is not our friend. So, I was asking EJ: Where are your prodigies? Where are the young athletes you are training? And you also told me the reality of how hard it is to promote your sport,” ani Cayetano.
Sumagot si Obiena na isa sa pinakamalaking problema ay ang limitadong access sa world-class training facilities, kaya napipilitan ang mga lokal na atleta na mag-training abroad.
Para punan ang kakulangan at makabuo ng pipeline ng mga susunod na pole vaulter, sinabi ni Obiena na nakipag-partner siya sa mga private sponsor upang maglunsad ng sports clinics na nakarekrut na ng ilang dosenang kabataang atleta.
Binigyang-diin din ni Cayetano ang pangangailangan ng pagkakaisa at kolektibong suporta mula sa mga sports leader at stakeholder para mapanatili ang momentum ng bansa sa international athletics.
Samantala, ipinagtanggol naman ni Zubiri ang suporta ng gobyerno sa mga atleta sa harapa ng malaking pinansyal na hamon na kinahaharap ng sports official, lalo na sa elite sports.
“The government is doing its best to support athletes and urged against immediately drawing criticisms against sports officials,” ani Zubiri.
Binanggit din niya na napakataas ng gastos sa pagpapatakbo ng elite sports, kaya kung minsan ay umaasa ang mga opisyal sa mga private individuals at philanthropist’s para madagdagan ang pondo ng gobyerno.
Iminungkahi rin ni Zubiri na i-update ang mga umiiral na batas hinggil sa allowances at incentives ng atleta dahil maaaring hindi na sapat ang mga ito.
Tiniyak niya sa mga atleta ang suporta ng Senado at sinabing handang magpasa ng mga panukalang magpapataas ng kanilang benepisyo.
Ibinahagi rin ni Zubiri na naghain siya ng resolusyon para batiin ang mga atletang Pilipino na nanalo ng medalya sa ginanap na Asian Games, at para kilalanin din ang mga ahensyang tumulong sa kanilang tagumpay.
Sa kabuuan, parehong binigyang-diin ng mga senador na kailangan ng mas matibay na programa para sa grassroots, mas maraming pasilidad, at mas malaking insentibo para mas mapalakas pa ang kinabukasan ng sports sa Pilipinas. Ernie Reyes