MANILA, Philippines – Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang dalawang unclaimed packages mula Africa na naglalaman ng P22 milyong halaga ng methamphetamine hydrochloride o “shabu” sa OBC Warehouse sa Pasay City.
Ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, idineklara ang mga package bilang CCTV kits at isinailalim sa beripikasyon matapos makatanggap ng tip mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Kinumpirma ng laboratory examination noong Pebrero 11 ang presensya ng ilegal na droga.
Ang unang package mula Malawi ay naglalaman ng humigit-kumulang 2,370 gramo ng shabu, habang ang ikalawang package mula Johannesburg, South Africa ay may laman na nasa 1,012 gramo. Parehong isinuko ang mga nasabat na shipment sa PDEA.
“The continued interception of illegal drugs, even in unclaimed and abandoned shipments, shows that our enforcement units remain proactive and alert,” ayon kay Nepomuceno.
Sinabi ng mga awtoridad na lumabag ang shipment sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act. Isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng PDEA at Ninoy Aquino International Airport Inter-Agency Drug Interdiction Task Group.
Dahil sa operasyon, umabot na sa mahigit P479 milyon ang kabuuang halaga ng ilegal na droga na nasabat ngayong taon.
Samantala, pansamantalang inilipat ng BOC si Intelligence Officer III Paul Oliver Pacunayen sa Office of the Deputy Commissioner habang iniimbestigahan ang umano’y pagkakasangkot niya sa smuggling activities sa Port of Manila. Inatasan siyang umiwas muna sa anumang operational activities maliban kung may pahintulot.
Pansamantala namang itinalaga si Allen Dela Cruz bilang caretaker ng CIIS Port of Manila Field Station. Si Pacunayen at CIIS Director Thomas Narcise ay kabilang sa mga pinangalanan sa liham na ipinadala kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nag-uulat ng umano’y pagbabalik ng smuggling activities sa naturang pantalan. Dave Baluyot