Home NATIONWIDE Erwin-Leni tandem sa halalan 2028, pinabulaanan ng senador

Erwin-Leni tandem sa halalan 2028, pinabulaanan ng senador

208
0

MANILA, Philippines – Iginiit ni Senador Erwin Tulfo nitong Huwebes na wala siyang planong tumakbo sa mas mataas na posisyon sa halalan 2028, at itinanggi ang posibilidad na maging ka-tandem siya ni dating pangalawang pangulo at kasalukuyang alkalde ng Naga City na si Leni Robredo sakaling tumakbo ito sa pagkapangulo.

Sa isang ambush interview, sinabi ni Tulfo na pareho silang walang balak ng kanyang kapatid na si Senador Raffy Tulfo na tumakbo sa mas mataas na posisyon sa 2028. Aniya, nasa desisyon ni Robredo at ng kanyang mga kaalyado kung muli itong tatakbo.

“Leni Robredo siguro at saka mga kasamahan niya sa liberal,” ani Erwin.

Nauna nang iminungkahi ng isang political analyst ang posibleng Robredo-Tulfo tandem bilang maaaring makalaban ni Vice President Sara Duterte, na nagpahayag na ng kanyang kandidatura sa pagkapangulo sa 2028. Gayunman, sinabi ni Tulfo na ayaw na nilang masangkot sa kaguluhan sa pulitika.

“Nakakataba po ng puso pero I don’t have plans eh. Whatever it is, ‘yun lang makakatalo kay…kahit sino pa man diyan, I would say thank you, pero I’m kinda tired. Hindi pa nga tapos ‘yung 2025, last year, nakita ninyo naman, kaliwa’t kanan ang batikos, demanda sa Comelec, left and right,” dagdag pa ni Tulfo sa Senate reporters.

Dagdag pa niya, napag-usapan na nila ng kanyang kapatid ang kanilang plano. “Ako din po, napagusapan namin na I don’t [have] plans to run for higher office. Ang hirap pala.”

Sinabi rin ni Tulfo na posibleng tumakbo na lamang muli sa Senado si Raffy Tulfo sa 2028. Binanggit din niya sina Senators Bam Aquino at Risa Hontiveros bilang posibleng maging ka-tandem ni Robredo.

“Siguro ‘pag walang wala na. Walang nang tao sa mundo, ako na lang at si Madam Leni, ‘tsaka papayag,” giit pa niya.

Nauna nang sinabi ni Hontiveros na bukas siyang tumakbo bilang pangulo o pangalawang pangulo sa 2028 kung ito ang mapagkakasunduan ng nagkakaisang oposisyon. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here