MANILA, Philippines – Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang guidelines sa ilalim ng Expanded Solo Parents Welfare Act of 2022 (RA 11861), kasunod ng mga maling pagkaunawa kung bakit ang ilang solo parents ay hindi kwalipikado sa Solo Parent Identification Card (SPIC) at mga benepisyo nito.
Ayon kay Social Welfare Officer 4 Jocelyn Vince Cruz, pinalawak ng batas ang depinisyon ng solo parent at mga benepisyo nito, ngunit kinakailangan na ang solo parent ay eksklusibong nagbibigay ng parental care at support nang walang cohabitation o co-parenting arrangements.
“Kapag nagbabago po ’yung status ng solo parent, maaari po talaga siyang madisqualified (When a solo parent’s status is changed, she or he may be disqualified). That’s why the SPIC is renewable every year. It is the LGU that checks on this. If there is a report, a social worker will validate it),” ani Cruz.
Batay sa pinakahuling datos, may 260,934 registered solo parents sa buong bansa, at 291 local government units ang nagbibigay ng monthly subsidy sa mga benepisyaryo.
Sa ilalim ng batas, maaaring makwalipika bilang solo parent ang legal guardians, adoptive parents, foster parents, at mga kamag-anak hanggang ikaapat na antas ng consanguinity na umaako ng parental responsibility. Maaari ring makwalipika ang mga may low-income overseas Filipino worker (OFW) spouse.
Itinaas din ng batas ang age coverage ng dependents mula 18 hanggang 22 taong gulang, basta’t sila ay unmarried, unemployed, naka-enroll sa paaralan, at dependent sa solo parent.
Ang mga kwalipikadong solo parents na kumikita ng katumbas o mas mababa sa regional minimum wage ay maaaring makatanggap ng ₱1,000 monthly subsidy, depende sa LGU.
Ang mga kumikita ng ₱250,000 o mas mababa kada taon at may anak na anim na taong gulang pababa ay maaari ring makatanggap ng 10 porsiyentong discount at VAT exemption sa medicines, infant milk, food supplements, at medical supplies. Kabilang din sa benepisyo ang full PhilHealth coverage at prayoridad sa government housing programs.
Upang makakuha ng SPIC, kailangang magsumite ng application sa solo parent division ng LGU o sa local social welfare and development offices, dumalo sa orientation, at sumailalim sa assessment at verification.
“Mag a-attend din po sila ng orientation para maintindihan ang mga benepisyong maa-avail. Then mag a-undergo ba sila ng assessment. After verification, at na-prove na sila ay talagang isang solo parent, ibibigay na po sa kanila ang SPIC,” ani Cruz.
Kasalukuyang tinatapos ng DSWD ang unified solo parent ID system, na sumasailalim sa pilot testing sa Mandaluyong, Muntinlupa, Rodriguez, at Cainta, Rizal, at target ipatupad sa buong bansa sa susunod na bahagi ng 2026. Santi Celario