PINUKPUK, Kalinga — Tatlong miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) ang nasawi at dalawa ang sugatan matapos silang pagbabarilin ng kanilang kapwa CAFGU member noong Pebrero 17 sa Allangigan Patrol Base sa Apatan, Pinukpuk, Kalinga.
Dakong 7:47 ng gabi, habang naghahanda ng hapunan ang limang biktima sa isang kiosk sa loob ng kampo, bigla umanong nagmura ang suspek bago nagpaputok ng baril laban sa kanyang mga kasamahan.
Dalawa ang agad na namatay sa lugar, habang ang isa ay idineklarang dead on arrival sa ospital. Dalawa pa ang nagtamo ng mga sugat at kasalukuyang ginagamot sa isang ospital.
Matapos ang pamamaril, tumakas ang suspek ngunit naaresto rin ng mga pulis sa Allangigan, kung saan siya nagtatago.
Inaalam ng pulisya kung ano ang motibo sa pamamaril ng suspek sa kanyang kapwa CAFGU.
Nahaharap ang suspek sa kasong multiple murder at multiple frustrated murder. Rey Velasco