Home NATIONWIDE P16.8-M tulong para sa transplant, operasyon sa puso at bato, ipinamahagi sa...

P16.8-M tulong para sa transplant, operasyon sa puso at bato, ipinamahagi sa 13 bata sa Maynila

230
0

MANILA, Philippines – TINATAYANG nasa halos P17 milyon ang ibinuhos na pondo ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pamumuno ni Mayor Isko Moreno Domagoso upang sagipin ang buhay ng 13 batang pasyente na nangangailangan ng agarang operasyon.

Ayon kay Domagoso, walong bata ang sasailalim sa liver transplant sa India, apat ang ooperahan sa Philippine Heart Center, at isa ang daraan sa kidney surgery sa Chinese General Hospital.

Nabatid na naglaan ng ₱13,321,629.80 para sa walong liver transplant sa India; ₱3,323,311.50 para sa apat na heart operation; at ₱173,616.19 para naman sa kidney procedure, na may kabuuang ₱16,818,557.49.

Sa isinagawang “Talk to the Patients” ni Yorme, diretsahang kinausap ng alkalde ang mga magulang.

“Pagkatapos nito, magpasalamat kayo sa Diyos. Magsimba kayo. At kung ’di man kalabisan, magpasalamat din kayo sa taxpayer ng Maynila. Dahil sa kanila, nagagawa namin ’to,” ani Domagoso.

Inamin ng alkalde na kapos din ang lungsod, ngunit hindi raw maaaring pabayaan ang buhay ng mga bata.

“Gipit na gipit kami bilang siyudad. Kaya lamang, buhay ng mga anak n’yo ang nakasalalay,” diin ng alkalde.

Ipinaliwanag din ni Yorme na diretsong ide-deposito ang tseke sa mga ospital sa India, sa Philippine Heart Center, at sa Chinese General Hospital, ngunit pinayuhan ang mga pamilya na kuhanan ng litrato ang tseke bilang patunay ng bayad ng lungsod.

Para naman sa mga tutungo sa India, pinaalalahanan ni Domagoso ang pamilya na itabi ang sariling ipon para sa gastusin pagkatapos ng operasyon.

“Importante ’yung transplant. ’Yung naipon n’yo, ’wag n’yo nang galawin para may magamit pa kayo pagkatapos,” payo ng alkalde.

Sa huli, nanawagan siya ng panalangin para sa matagumpay na operasyon ng mga bata.

“’Yung problema n’yo sa pera, sinagot na ng taxpayer ng Maynila. Ang susunod n’yong kakailanganin, si Jesus na. Magdasal kayo. May awa ang Diyos. ’Wag kayong mawawalan ng pag-asa,” mensahe ni Yorme. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here