Home METRO Forester sa Zambales, kinilala sa pangangalaga ng kalikasan

Forester sa Zambales, kinilala sa pangangalaga ng kalikasan

1
0

ZAMBALES, Philippines – Kinilala si Donaver Guevarra, community environment and natural resources officer (CENRO) ng Masinloc, bilang 2026 Outstanding Regional Forester of the Year sa Central Luzon dahil sa kanyang mga programa para sa pangangalaga ng kalikasan, partikular sa 7,558-ektaryang Masinloc and Oyon Bay Protected Landscape (MOBPLS).

Iginawad ng Society of Filipino Foresters Inc. (SFFI) ang parangal bilang pagkilala sa kanyang mga gawain sa pamamahala ng protected areas, pangangalaga ng biodiversity at kagubatan, at edukasyong pangkalikasan.

Ayon kay Guevarra, malaking bahagi ng pagkilala ang pagpapalakas sa pangangalaga ng MOBPLS, na itinuturing na kauna-unahan at nag-iisang marine protected area sa Central Luzon. Nakamit din ng lugar ang unang puwesto sa Most Outstanding NIPAS Marine Protected Area category sa 2025 Para El Mar Awards.

Sinabi ni Guevarra na nakatulong ang mabilis na pagpapatupad ng mga batas pangkalikasan sa pagbawas ng mga banta sa biodiversity at mga ecosystem.

“Swift actions and effective law enforcement reduced threats to biodiversity and the ecosystems as a whole, which provide natural resources like flora and fauna to flourish,” aniya.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pakikipagtulungan sa mga komunidad, lokal na pamahalaan, pribadong kumpanya, non-government organizations, media, ahensiya ng gobyerno, paaralan at mga organisasyon ng mamamayan upang mapanatili ang mga programa sa konserbasyon.

Sa ilalim ng National Greening Program, hinihikayat ng CENRO Masinloc ang mga residente na maging tree growers upang magkaroon ng pagkakakitaan habang tumutulong sa reforestation at proteksiyon ng kagubatan. Nakikipagtulungan din ang tanggapan sa mga pribadong kumpanya upang suportahan ang mga proyektong pagtatanim ng puno.

Kabilang sa mga alternatibong kabuhayang itinataguyod ang paggawa ng mangga at sampalok jam, pagtatayo ng mangrove nurseries, sea cucumber ranching, community-managed savings and credit associations, at pag-aalaga ng tahong.

Kabilang sa mga grupong lumalahok sa mga programang ito ang San Salvador Biodiversity Friendly Association at Palauig-Masinloc Mussel Association sa Zambales.

Gayunman, sinabi ni Guevarra na nananatiling hamon ang kakulangan sa pondo at mga pangangailangang logistikal. Umaasa ang kanilang tanggapan sa pagtutulungan ng mga lokal na pamahalaan, komunidad, pribadong kumpanya at law enforcement agencies upang maipagpatuloy ang pangangalaga sa kalikasan.

Kabilang sa kanyang mga prayoridad ang patuloy na proteksiyon sa MOBPLS, iba pang marine protected areas, kagubatan at mga ecosystem ng tubig. Prayoridad din niya ang pamamahala sa mga foreshore area at pagbibigay ng titulo sa lupa sa mga magsasaka.

Hinimok niya ang mga residente at katuwang na organisasyon na patuloy na suportahan ang mga programang pangkalikasan at iulat ang mga ilegal na aktibidad na sumisira sa likas na yaman.

“We cannot do it alone. We must work together for the greater protection of our ecosystems. After all, environmental protection is our collective responsibility,” pahayag niya.

Samantala, kinilala rin ng SFFI si Edward Sernadilla, CENRO ng Olongapo City, na tumanggap ng 2026 Distinguished Forester Award dahil sa kanyang pamumuno, serbisyo publiko at mga ambag sa pangangalaga ng kalikasan at napapanatiling pamamahala ng likas na yaman.

Iginawad ang mga parangal sa taunang kombensiyon ng SFFI na nagbigay-diin sa papel ng mga forestry professional sa pangangalaga ng kagubatan, biodiversity at likas na yaman. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here