Home METRO Negosyante, arestado sa 3 baril sa Cavite

Negosyante, arestado sa 3 baril sa Cavite

1
0

CAVITE, Philippines – Arestado ang isang 41-anyos na negosyante matapos makumpiska mula sa kanya ang tatlong baril na walang kaukulang dokumento sa Barangay Acacia, Silang, Cavite.

Ayon sa pulisya, nagsagawa ng search warrant ang mga tauhan ng CIDG Cavite Provincial Field Unit bandang alas-3:37 ng hapon kaugnay ng paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Nakumpiska sa operasyon ang isang assault rifle, isang Ruger-5.7 at isang kalibre .45 na pistol, kasama ang mga magazine at iba’t ibang bala. Ayon sa ulat na ipinadala kay CIDG Director PMGEN Robert A.A. Morico II, wala umanong kaukulang Permit to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR) ang mga armas na nakuha.

Ipinaliwanag ng CIDG na layunin ng RA 10591 na regulahin ang pagmamay-ari, pag-iingat, pagdadala, paggawa, pagbebenta at pag-aangkat ng mga baril at bala, gayundin ang pagpigil sa paglaganap ng mga ilegal na armas na maaaring magamit sa krimen.

Nakasaad sa Section 31 ng batas ang mga parusang maaaring ipataw sa mga lisensiyadong may-ari ng baril na nagdadala ng rehistradong armas sa labas ng kanilang tirahan nang walang wastong awtorisasyon o PTCFOR.

Pinuri naman ng pamunuan ng CIDG sina PCOL Ganaban C. Ali, regional chief ng CIDG Regional Field Unit 4A, at PLTCOL Mark Jason M. Gatdula, provincial chief ng CIDG Cavite Provincial Field Unit, kasama ang kanilang mga tauhan, dahil sa operasyon. MARGIE BAUTISTA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here