NEGROS OCCIDENTAL, Philippines – Aabot sa 41 barangay sa Negros Occidental ang naapektuhan ng matinding ashfall matapos ang moderately explosive eruption ng Kanlaon Volcano noong Huwebes.
Nabalutan ng abo at buhangin ang ilang kalsada, sakahan, at bubong sa iba’t ibang lugar sa Negros Occidental matapos ang dalawang minutong pagsabog.
Mahigit 60 pamilya ang inilikas, at karamihan sa kanila ay mula sa La Carlota City.
May ilang residente na hindi lumikas ang nagsabing nahirapan silang linisin ang abo, habang ang iba ay nakaranas ng hirap sa paghinga.
Samantala, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), wala pang senyales upang itaas sa Alert Level 3 ang kalagayan ng bulkan.
“Base sa ating monitoring parameters, walang nakitang pag-increase sa activity, including mga seismic data. Ang sulfur dioxide, mababa pa rin. Walang sudden increase,” ayon sa Kanlaon Volcano Observatory Science and Research Specialist Perly Sianson. RNT/MND