DAVAO, Philippines – Patuloy ang malalakas na ulan dulot ng shear line na tumama sa silangang baybayin ng Mindanao mula pa noong Huwebes, na nagdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa. Mahigit 2,000 katao ang napilitang lumikas, habang pitong tao ang nasawi dahil sa landslide.
Tatlo ang namatay sa Monkayo, Davao de Oro noong Huwebes ng gabi, at apat naman sa Mati City, Davao Oriental noong Biyernes ng umaga.
Ayon kay Police Lt. Col. Michael Jan Peria, hepe ng pulisya sa Monkayo, magkakapamilya ang tatlong nasawi na nakatira malapit sa bangin sa Barangay Rizal sa kahabaan ng national highway.
Pinayuhan sila ng mga opisyal ng barangay na lumikas sa evacuation center dahil sa malakas na ulan ngunit tumanggi umano ang pamilya.
Kinilala ang mga biktima na sina Rayjune Remegio, 31; Rayjune Jr., 12; at Clipper Kent, 7. Nakaligtas ang asawa ni Remegio na nagtatrabaho sa Davao City dahil wala ito sa bahay nang mangyari ang insidente bandang alas-11 ng gabi.
Samantala, sa Mati City, apat na miyembro ng isang pamilya ang namatay nang gumuho ang bahagi ng burol sa Upper Salazar, Barangay Central, dahil sa tuloy-tuloy na ulan.
Sa Barobo, Surigao del Sur, natabunan din ng landslide ang dalawang batang natutulog sa kanilang bahay noong Biyernes ng umaga. Agad silang nailigtas ng mga opisyal at residente ng Barangay Tambis.
Isang 17-anyos na dalagita ang nagtamo ng maraming bali sa katawan, habang ang isang 4-anyos na bata ay may minor injuries. Pareho silang nasa stable condition sa ospital, ayon kay Tambis village chief Renan Jillama Aben.
Sa Bislig City, Surigao del Sur, hindi bababa sa 500 pamilya o mahigit 2,000 indibidwal ang pansamantalang nanunuluyan sa pitong evacuation centers mula sa mga barangay ng Burboanan, Mangagoy, Tabon, Pamanlinan at Tumanan.
Ayon kay City Disaster Risk Reduction and Management Office chief Jessril Oval, maaari pang tumaas ang bilang ng mga evacuee dahil patuloy ang rescue operations at 19 barangay na ang apektado ng baha.
May naiulat ding pagbaha at landslide sa ilang bayan sa Agusan del Sur ngunit wala pang naitalang nasawi roon.
Sinuspinde ang klase at trabaho sa malaking bahagi ng Davao de Oro at ilang lugar sa Davao Oriental at Davao del Norte dahil sa masamang panahon.
Iniulat ng pamahalaang panlalawigan ng Davao de Oro na 754 pamilya ang naapektuhan ng baha at landslide, kung saan 570 ang nasa evacuation centers. Umabot sa 21 kalsada at limang tulay ang nasira, na nakaapekto sa paggalaw ng mga tao at relief goods.
Nagpakilos ang 10th Infantry Division (10ID) ng Philippine Army ng kanilang Humanitarian Assistance and Disaster Response units upang tumugon sa mga apektadong lugar. Nagsagawa sila ng preemptive evacuation, road clearing at pakikipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad.
Naitala ng 10ID ang 11 landslide at 53 insidente ng pagbaha sa Davao Oriental, Davao de Oro, Agusan del Sur at Surigao del Sur. Ayon dito, 1,139 katao ang kasalukuyang nananatili sa evacuation centers sa mga naturang lugar. RNT/MND