UNITED STATES – Nagpasya noong Biyernes ang US Supreme Court na lumampas sa kanyang kapangyarihan si Donald Trump sa pagpapataw ng malawakang taripa na nakaapekto sa pandaigdigang kalakalan at naging pangunahing bahagi ng kanyang economic agenda.
Sa botong anim laban sa tatlo, sinabi ng korte na ang International Emergency Economic Powers Act (IEEPA) “does not authorize the President to impose tariffs.”
Matagal nang ginagamit ni Trump ang taripa bilang paraan ng presyon at negosasyon, ngunit nang bumalik siya sa pagkapangulo noong nakaraang taon, ginamit niya ang emergency economic powers upang magpataw ng bagong buwis sa halos lahat ng trading partners ng US.
Kabilang dito ang “reciprocal” tariffs laban sa mga bansang itinuturing ng Washington na may hindi patas na trade practices, pati na rin ang hiwalay na taripa laban sa Mexico, Canada at China kaugnay ng illegal drug flows at imigrasyon.
Ayon sa korte, “Congress intended to convey the distinct and extraordinary power to impose tariffs” under IEEPA, “it would have done so expressly, as it consistently has in other tariff statutes.”
Nilinaw na hindi saklaw ng desisyon ang sector-specific tariffs na ipinataw ni Trump sa mga inaangkat na bakal, aluminyo at iba pang produkto. Mayroon ding mga imbestigasyon ng pamahalaan na maaaring magresulta sa karagdagang sectoral tariffs.
Sumama sa tatlong konserbatibong mahistrado ang tatlong liberal justices sa desisyon na nagpapatibay sa naunang hatol ng mababang korte na ilegal ang mga taripang ipinataw sa ilalim ng IEEPA.
Tumutol sina Conservative Justices Brett Kavanaugh, Clarence Thomas at Samuel Alito.
Sa kanyang opinyon, sinabi ni Chief Justice John Roberts na “IEEPA contains no reference to tariffs or duties.”
Noong Mayo, nagpasya ang isang mababang trade court na lumampas sa kapangyarihan si Trump sa pagpapataw ng malawakang taripa at pinigilan ang pagpapatupad nito, ngunit pansamantalang naantala ito habang umaapela ang gobyerno.
Ayon kay EY-Parthenon chief economist Gregory Daco, ang pagpapawalang-bisa sa emergency tariffs ay maaaring magpababa sa average tariff rate mula 16.8 porsyento tungo sa humigit-kumulang 9.5 porsyento. Gayunman, maaari itong maging pansamantala kung makahanap ang gobyerno ng ibang paraan upang muling magpataw ng malawakang buwis.
Tinatayang mawawalan din ang gobyerno ng $100 bilyon hanggang $120 bilyon na kita mula sa taripa.
Hindi tinalakay ng korte kung maaaring mabawi ng mga importer ang naibayad na buwis. Ngunit nagbabala si Kavanaugh na ang prosesong ito ay maaaring maging isang “mess.”
Ayon kay Erica York ng Tax Foundation, ang desisyon “would constrain the president’s ambitions to impose across-the-board tariffs on a whim,” ngunit maaari pa rin umanong gumamit ang pangulo ng iba pang batas upang magpataw ng mas limitadong taripa o yaong nangangailangan ng partikular na proseso gaya ng imbestigasyon. RNT/MND