Home NATIONWIDE PCG: Patuloy itatama mga maling impormasyon sa WPS

PCG: Patuloy itatama mga maling impormasyon sa WPS

153
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni Commodore Jay Tarriela na patuloy niyang itatama ang maling impormasyon kaugnay ng West Philippine Sea (WPS) dahil walang direktiba sa kanya na “bawasan” o “limitahan” ang kanyang presensya sa media, kahit matapos ang mainit niyang palitan ng pahayag sa mga opisyal ng Chinese Embassy.

Ayon kay Tarriela, lubos na sinusuportahan ng Malacañang ang transparency initiative sa mga isyung may kaugnayan sa WPS.

Nananatili aniya ang posisyon ng Palasyo sa kabila ng umano’y pagsisikap ng embahada na “hikayatin” ang gobyerno ng Pilipinas na ipaubaya lamang sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagtalakay sa mga isyung ito, at huwag nang isama ang PCG at militar.

Ayon kay Tarriela walang pressure mula sa embahada na maaring makaapekto sa kanyang mandato.

Ang pinakahuling palitan ng pahayag sa pagitan ni Tarriela at ng mga opisyal ng Chinese Embassy ay nagsimula noong Enero 14, nang mag-post si Tarriela sa Facebook ng larawan niya sa isang forum, kung saan makikita ang caricatured images ni Chinese President Xi Jinping sa screen sa likuran niya.

Tinuligsa ito ni Guo Wei, deputy spokesperson ng Chinese Embassy, bilang isang “seryosong paglabag sa dignidad ng China at hayagang provokasyon.”

Sinabi ni Tarriela na mahalaga ang transparency sa WPS upang mapanatili ang kamalayan ng publiko at maiwasan ang mga aktibidad ng China na hindi nababantayan.

Giit pa ni Tarriela, baka makalimutan ng mga tao pagsapit ng 2028 kung sinu-sinong politiko ang tumindig para sa posisyon sa WPS kung titigil aniya sa transparency ngayon.

Dagdag pa ni Tarriela, pinalalakas ng China ang kanilang “information operations” kasabay ng pagsisikap ng Pilipinas na idokumento at ilathala ang mga larawan at video ng mga insidente sa karagatan.

Samantala, sinabi ni Philippine Navy spokesperson Capt. Marissa Martinez na nagbabago ang information operations ng China gamit ang mga makabagong teknolohiya tulad ng artificial intelligence (AI).

Tulad ni Tarriela, nagbabala si Martinez na ang maritime issues ay maaring gawing sandata Online upang maghain ng dibisyon habang papalapit ang halalan sa 2028. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here