MANILA, Philippines — Maaari nang pamahalaan ng mga pribadong partner at iba pang organisasyon ang mga forestland ng hanggang 50 taon matapos ilunsad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang bagong polisiya na layong palakasin ang pangangalaga sa kagubatan at lumikha ng “libo-libong green jobs.”
Inanunsyo ni Environment Secretary Raphael Lotilla ang pagpapatupad ng Sustainable Forest Land Management Agreement (SFLMA) sa ilalim ng DENR Administrative Order 2025-22.
Sa ilalim ng SFLMA, maaaring bigyan ng 25 taong kasunduan ang mga kwalipikadong partner para pamahalaan ang forestlands, na maaari pang i-renew ng panibagong 25 taon.
Ayon kay Lotilla, bahagi ito ng development agenda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagbibigay-priyoridad sa sustainable management ng forest lands.
“This is not just a forestry reform—it is a climate and livelihood strategy of the administration,” ani Lotilla.
“For too long, our upland communities have carried the burden of protecting our forests without having enough opportunities to benefit from them.”
Sa ilalim ng kasunduan, pag-iisahin at pasasimplehin ang mga dating patakaran sa forest tenure na aniya’y mabagal at magulo ang proseso.
Layunin nitong hikayatin ang kooperatiba, people’s organizations, lokal na negosyo at pribadong sektor na mamuhunan sa forest-based industries.
Inaasahang lilikha ito ng trabaho sa agroforestry, ecotourism, forest plantations, non-timber forest products at sustainable pasture development.
Magbibigay rin umano ang SFLMA ng insentibo upang mapanatili ang forest cover, maibalik ang mga nasirang lupain at maprotektahan ang mga komunidad laban sa baha, landslide at tagtuyot.
Ayon kay DENR Forest Management Bureau Director Arthur Fadriquela, magiging “game changer” ito para sa mga pamilyang umaasa sa kagubatan.
“Sa unang pagkakataon, may 25 hanggang 50 taon silang seguridad para paunlarin ang kanilang kabuhayan—magpatubo ng puno, magtayo ng ecotourism sites at magnegosyo sa kagubatan,” ani Fadriquela. RNT/JGC