MANILA, Philippines – Hinimok ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employer na payagan ang kanilang mga empleyado na hindi pumasok sa trabaho para samahan ang kanilang mga anak sa pagpapabakuna kontra measles-rubella.
Sa pahayag, umapela ang DOLE upang suportahan ang hakbang ng pamahalaan sa Measles-Rubella and Supplemental Immunization Activity (MR-SIA), na naglalayong proteksyunan ang mga bata at maiwasan ang posibleng outbreak.
Ang direktiba ay inisyu sa ilalim ng Labor Advisory No. 02, Series of 2026, na humihimok sa private-sector employers na magkaroon ng flexible arrangements upang masigurong makatanggap ng bakuna ang anak ng mga empleyado nila.
“Employees may also be excused when they need to care for their children due to adverse effects or reactions to the vaccine on the day after vaccination,” sinabi pa ng DOLE.
Sa ilalim ng abiso, maaaring obligahin ang empleyado na magpakita ng patunay ng vaccination ng kanilang anak at maaaring kunin ang kanilang pag-absent sa available na leave credits.
Sakop nito ang lahat ng private establishments at nanawagan sa mga employer na magpakalat ng tamang impormasyon tungkol sa measles-rubella vaccination sa pamamagitan ng online at offline communication channels. RNT/JGC