MANILA, Philippines – Itinurn-over ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Sabado, Pebrero 21 ang Special Allotment Release Order na nagkakahalaga ng P500 milyon para pondohan ang retrofitting at modernization ng Jesse M. Robredo Coliseum (JMRC) sa Naga City, Camarines Sur.
Si Marcos ay sinamahan ni Naga City Mayor Leni Robredo sa pag-iinspeksyon ng naturang istruktura.
Tinawag bilang “The Big Dome of the South,” ang 12,000-seater coliseum ay nilikha sa ilalim ng liderato ni dating Mayor Jesse Robredo para i-decentralize ang major events mula sa Metro Manila.
Pormal itong pinasinayaan noong Setyembre 2010.
Kasunod ng pagkamatay ng alkalde noong 2012, nagpasa ang Naga City Council ng City Ordinance No. 2012-043 na nagpapangalan sa naturang coliseum sa pangalan ng dating opisyal.
Nagsisilbi ring regional logistics hub at evacuation center ang JMRC sa tuwing may tumatamang kalamidad sa Bicol.
Sa kabila nito ay nagtamo ng pinsala ang coliseum dahil hindi ito naka-disenyo sa mahabang pagtuloy ng mga tao.
Kabilang sa pagsasaayos na gagawin sa JMRC ay ang paglalagay ng community kitchen na kayang makapagpakain ng libo-libong residente tuwing may kalamidad, pagpapabuti ng sanitation facilities, roofing system upgrades, at pagpapatibay ng istruktura.
Sakop din ng pondo ang pagpapabuti ng drainage system upang maiwasan ang pagbaha at pagtatayo ng dedicated medical response areas para sa emergency. RNT/JGC