MANILA, Philippines — Naglabas ang Securities and Exchange Commission (SEC) ng komprehensibong compliance checklist para sa one-person corporations (OPCs) upang mas mapadali ang pagsunod sa kanilang reportorial requirements.
Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 10, Series of 2026 na inilabas noong Pebrero 16, pinagsama-sama ang mga patakaran hinggil sa pagsusumite ng ulat at pagpo-post ng bond, kabilang ang iskala ng multa at parusa alinsunod sa Revised Corporation Code.
“These new guidelines outline the reportorial requirements and penalties imposed on OPCs. By clarifying expectations around their submissions, we are eliminating ambiguity and empowering business owners to operate with the confidence that they are in full compliance with the law,” ani SEC Chairperson Francis Lim.
“This streamlined approach also allows the SEC to strengthen its monitoring powers over corporations, in line with its mandate of promoting transparency and accountability in the corporate sector,” dagdag pa niya.
Inaatasan ang OPC na magtalaga ng treasurer, corporate secretary at iba pang opisyal, at magsumite ng Form of Appointment (FAO) sa loob ng 20 araw mula sa pag-apruba ng certificate of incorporation. May multang P10,000 ang hindi susunod.
Sa mga susunod na appointment, kailangang magsumite ng FAO sa loob ng limang araw, kung hindi ay pagmumultahin ng P5,000 sa unang paglabag hanggang P9,000 sa ikalimang paglabag.
Obligado ring magsumite ang OPC ng annual financial statements (AFS) sa loob ng 120 araw matapos ang fiscal year. Ipinatupad din ang mas mababang at mas angkop na multa para sa late at non-filing ng AFS.
Para sa late filing sa loob ng isang taon, ang multa ay mula P5,000 hanggang P13,500 depende sa retained earnings. Samantalang para sa non-filing na lampas isang taon, maaaring magmulta ng P10,000 hanggang P27,000 batay sa net profit.
Simula fiscal year na magtatapos sa Disyembre 31, 2025, kailangan nang magsumite ng audited AFS ang OPC na may total assets o liabilities na lampas P3 milyon. Ang mas mababa rito ay maaaring magsumite ng financial statement na may kalakip na notarized Statement of Management’s Responsibility.
Inaatasan ding mag-post ng surety bond ang OPC kung ang nag-iisang stockholder ang siya ring treasurer. Ang bond coverage ay mula P1 milyon hanggang P5 milyon depende sa authorized capital stock, at dapat i-renew kada dalawang taon.
Binigyan ng 30 araw ang mga rehistradong OPC na wala pang naipapasang Appointment of Officers upang makapag-post ng kinakailangang bond. Ang hindi susunod ay papatawan ng P10,000 multa at karagdagang P500 kada buwan ng pagkaantala.
Ayon sa SEC, layunin ng bagong patakaran na palakasin ang transparency at accountability sa corporate sector habang kinikilala ang natatanging katangian ng OPCs. RNT/JGC