MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Cebu Provincial School Board ang P1.7 bilyong education budget sa unang pagpupulong ngayong taon, inanunsyo ni Governor Pam Baricuatro.
Ang pondo ay mula sa Special Education Fund at tutugon sa classroom gaps, pag-upgrade ng learning materials, at pagpapalawak ng access sa basic education para sa mga estudyante.
“Education is the foundation of our future. When we invest in our schools, we invest in the dreams of every Cebuano child,” sinabi ni Baricuatro.
Nasa P1.4 bilyon ng kabuuang halaga ang inilabas para sa agarang paggamit nito, at tututok sa priority programs at infrastructure projects sa buong probinsya.
Inilaan naman ng board ang P700 milyon para sa pagtatayo ng smart classrooms bilang bahagi ng hakbang sa pag-integrate ng teknolohiya sa pagtuturo sa mga pampublikong paaralan.
Nasa P295.9 milyon naman ang gagamitin sa pagpondo ng Temporary Learning Shelters para sa mga paaralang naapektuhan ng mga lindol noong 2025 habang isinasaayos pa ang mga permanenteng gusali.
Iniulat ng Department of Education sa Central Visayas na 269 klasrum ang nagtamo ng pinsala matapos ang lindol.
Samantala, kabilang din sa alokasyon ang P335.9 milyon para sa school supplies, teaching materials, at operational expenses para sa mga mag-aaral mula kindergarten hanggang Grade 12.
Sakop ng karagdagang pondo ang P13 milyon para sa armchairs, P10 million para sa sports equipment, P3.48 million para sa ukuleles sa early learners, at P30 million para sa literacy at numeracy support programs.
Magbibigay din ng resources para sa teacher training, research activities, at school management initiatives ang pondo.
Pagpapatuloy, inaprubahan din ng board ang financial assistance para sa student participation sa major academic at athletic events kabilang ang Cebu Provincial Sports and Cultural Festival, Central Visayas Regional Athletic Association meet, at Palarong Pambansa.
Kasama rin sa susuportahan ang mga programa sa campus journalism, science at mathematics competitions, scouting, student leadership, special education, at cultural activities. RNT/JGC