MANILA, Philippines – Dapat nang matuwa ang mga magsasaka ng sibuyas sa Occidental Mindoro sa P40 hanggang P45 kada kilo na farmgate price sa kanilang mga produkto, ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
“For now, they should be happy with ₱40 to ₱45,” sinabi ni Tiu-Laurel sa isang text message.
Nitong Biyernes kasi ay nagkasa ng kilos-protesta sa San Jose, Occidental Mindoro ang mga magsasaka ng sibuyas kasunod ng pagbaba ng farmgate prices sa P35 hanggang P40 kada kilo.
Umapela ang mga magsasaka ng hanggang P50 kada kilo na farmgate price upang maiwasan ang pagkakalubog nila sa utang at makarekober sa kanilang production cost.
“Hindi pa po sapat sa magsasaka na ang hirap, ang sakripisyo halos dito na kami gumigising sa aming taniman ng sibuyas, halos dito na kami natutulog lalo na kung nagkakaroon ng peste,” ani Gemma Tabian, presidente ng Bantay Oksi, isang farmers’ group sa Occidental Mindoro.
Idinagdag ni Tabian na halos lahat ng mga magsasaka ay umaasa lamang sa inutang na kapital para pondohan ang kanilang mga pananim.
“Hindi lang po iisa ang may utang sa ginamit namin sa sibuyasan halos lahat po ng nandidito ngayon ay utang lamang ang ginamit namin na puhunan,” dagdag pa niya.
Sinisi ng mga magsasaka ang pag-aangkat ng sibuyas sa patuloy na pagbaba ng farmgate prices.
Sa kabila nito, iginiit ni Laurel na paubos na ang imported na mga sibuyas at tumaas na ang presyo nito sa Nueva Ecija.
Aniya, ang mga trader at buyer ang maaaring kumukontrol sa presyuhan.
“The traders or buyers are the one pushing the prices down… wala na masyado imported in fact sa Nueva Ecija. Mas mataas na ang red onion,” sinabi ni Laurel.
“Tama po ang sinasabi nila na ang 2026 ay hindi na sila nagparating subalit ang ipinarating naman po nila ay halos konsumo ng buong taon ng 2026,“ sagot naman ni Tabian.
“Hindi po kami naniniwala na paubos na ito sapagkat bumabaha pa po, mayroon kaming kaibigan nasa Bacolod na ngayon ay nagsasabing napakarami pong imported na sibuyas na lumalabas don bukod pa po sa Pangasinan,” dagdag pa niya.
Nanawagan ang mga magsasaka sa Department of Agriculture na magsagawa ng field inspections upang alamin ang aktwal na sitwasyon ng mga magsasaka ng sibuyas.
Samantala, inabisuhan ni Laurel ang mga magsasaka na i-secure ang cold storage facilities para sa kanilang mga inaning produkto habang naghihintay na tumaas ang farmgate prices.
“They should look for cold storage and store muna nila ang onions nila,“ ayon pa kay Laurel. RNT/JGC