ZAMBOANGA SIBUGAY, Philippines – Arestado ang 20-anyos na babae noong nakaraang linggo sa Ipil, Zamboanga Sibugay dahil sa umano’y pagbebenta ng substandard na cellphones, tablets, at laptops na nagkakahalaga ng P1.9 milyon, ayon sa Philippine National Police.
Isinagawa ang operasyon noong Pebrero 19 ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Zamboanga Sibugay Provincial Field Unit at ng National Telecommunications Commission.
Nakumpiska ang 35 cellphones, 10 tablets, at dalawang laptops na hindi aprubado ng NTC at bawal ibenta sa bansa.
Ayon sa PNP, delikado sa konsumer ang mga elektronikong ito dahil maaaring magka-malfunction, mabagal ang koneksyon, o magdulot ng electrical hazard.
“Kapag ang negosyo ay hindi sumusunod sa regulasyon, inilalagay nila sa panganib ang publiko. Hindi natin ito papayagan,” ayon kay PNP chief Jose Melencio Nartatez Jr..
Dagdag pa niya: “It is about sending a clear message that the law applies to everyone. At the same time, paalala rin ito sa publiko – be vigilant. Check for the NTC seal and proper certifications before buying gadgets, especially if the price seems too good to be true.” RNT/MND