MANILA, Philippines – Muling magpapatupad ng dagdag presyo sa kada litro ng mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa epektibo bukas ng umaga.
Sa magkakahiwalay na anunsiyo na inilabas ng mga kompanya ng langis sa bansa na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, Caltex (CPI) at Phoenix Petroleum, magpapatupad sila ng dagdag presyo na P0.60 sa kada litro ng gasolina habang P1.20 naman sa kada litro ng diesel at kerosene na magiging epektibo alas-6 bukas ng umaga.
Samantala, kahalintulad din ng mga nabanggit na presyo ang ipatutupad na dagdag ng halaga ng produktong gasolina at diesel ng mga kompanyang PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, at Petro Gazz simula alas-6 din ng Martes ng umaga habang alas-4:01 naman ng hapon ang Clean Fuel.
Matatandaan na nito lamang nakaraang Martes ay nagpatupad ng dagdag presyo na P1.20 sa kada litro ng gasolina habang P0.60 naman sa kada litro ng diesel at kerosene. JAY Reyes