MANILA, Philippines – TILA nagiging “express lane” umano ng mga personalidad na may kinahaharap na kaso ang tinatawag na backdoor exit sa lalawigan ng Tawi-Tawi—ito ang naging sentro ng mainit na pagdinig sa Senado.
Sa pagharap sa Senate Committee on Justice and Human Rights, inamin ni Joel Anthony Viado, Commissioner ng Bureau of Immigration, na patuloy na hamon ang pagbabantay sa nasabing lugar dahil sa talamak na ilegal na paglabas ng bansa.
Ayon kay Viado, ginawa na umanong ganap na port of entry at exit ang Tawi-Tawi at dinagdagan ng intelligence assets at tauhan. Pero aminado siyang hindi pa rin sapat ang kasalukuyang kakayahan para tuluyang masawata ang modus.
Malapit lamang ang Tawi-Tawi sa Sabah, Malaysia—partikular ang Bongao na tinatayang nasa 150 kilometro mula sa Lahad Datu—kaya’t nagiging madali para sa ilang indibidwal ang pagtawid gamit ang maliliit na sasakyang-dagat.
Iminungkahi ng BI chief ang mas mahigpit na koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan, pagpapalakas ng internet connectivity sa lugar, at paggamit ng drones para masubaybayan ang mga kahina-hinalang galaw sa karagatan.
Hinimok din niya ang Department of Foreign Affairs na agad kanselahin ang pasaporte ng sinumang mahuhuling ilegal na lumalabas ng bansa. Aniya, dapat ding sampahan ng kasong kriminal ang mga lumalabag at repasuhin kung kinakailangang palakasin pa ang umiiral na batas.
Sa parehong pagdinig, nagbabala si Sherwin Gatchalian na may ilang kilalang personalidad ang umano’y nakalusot sa backdoor, kabilang sina Alice Guo, Arnolfo Teves Jr., at Harry Roque.
Nadawit din ang negosyanteng si Charlie Tiu Hay Sy Ang kaugnay ng iniimbestigahang kaso ng mga nawawalang sabungero.
Babala ni Gatchalian, kung hindi hihigpitan ang pagbabantay, patuloy lang umanong makakatakas ang mayayamang personalidad habang nakabinbin ang kanilang mga kaso.
“Kapag may pera at kakayahan, dadaan lang sa backdoor at makakatakas,” giit ng senador. JAY Reyes