Home NATIONWIDE Balik-ICC ng Pilipinas ‘di pa napag-uusapan – Malakanyang

Balik-ICC ng Pilipinas ‘di pa napag-uusapan – Malakanyang

147
0

WALANG pag-uusap sa Malacañang kaugnay sa planong pagbabalik ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).

“There is no discussion on plan of rejoining the ICC, as of this date,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

Ipinahayag ito ni Castro matapos hingan ng komento sa ginawang paghahain ng resolusyon ng ilang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na humihiling na muling bumalik ang Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).

Magugunitang umatras ang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte sa pagiging kasapi ng ICC noong Marso 2018.

Pinangunahan nina Reps. Renee Co, Antonio Tinio, at Sarah Jane Elago ng Makabayan bloc ang House Resolution 809. Samantala, inihain naman nina Akbayan Reps. Perci Cendaña, Chel Diokno, Dadah Kiram Ismula, at Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao ang House Resolution 811.

Ayon sa Makabayan bloc, ang muling pagsali ng bansa sa ICC ay isang malinaw at matibay na mensahe na iginagalang ng Pilipinas ang mga obligasyong nakasaad sa Konstitusyon, pinahahalagahan ang kabanalan ng buhay, at determinado itong wakasan ang kultura ng impunity at karahasang may kinalaman sa estado.

Iginiit din ng mga mambabatas na ang pakikipag-ugnayan muli sa ICC ay magpapalakas sa reputasyon ng bansa bilang isang demokrasya na kumikilala at gumagalang sa karapatang pantao, magbabalik ng tiwala ng pandaigdigang komunidad sa sistemang panghukuman ng Pilipinas, at magpapatibay ng ugnayang nakabatay sa hustisya, mabuting pamamahala, at panuntunan ng batas.

Nakasaad sa HR 809 na pormal nitong hinihikayat ang pamahalaan na magsagawa ng mga kinakailangang hakbang para sa re-accession ng Pilipinas sa Rome Statute upang makabalik sa ICC at muling pagtibayin ang pangako sa pagtataguyod ng hustisya, dignidad ng tao, at rule of law.

Ayon kay Cendaña, ang pagbabalik ng Pilipinas sa ICC ay isang hakbang ng pakikiisa sa mga biktima ng umano’y extrajudicial killings sa ilalim ng nakaraang administrasyon. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here