MANILA, Philippines – Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na mahigit 15,000 baril ang nasamsam at nasa 5,500 katao ang naaresto sa loob ng pitong buwang kampanya laban sa loose firearms at gunrunners.
Mula Agosto 2025 hanggang Pebrero 19, 2026, umabot sa 5,547 indibidwal ang naaresto at 15,428 baril ang nasamsam o natanggap ng pulisya. Hindi pa kasama rito ang 1,474 baril na boluntaryong isinuko para sa safekeeping, na ayon sa PNP ay nagpapakita ng pakikiisa ng publiko sa mga hakbang na pang-prebensyon.
Sa 2026 lamang, 1,474 katao ang naaresto dahil sa illegal possession of firearms. Nakumpiska, nasamsam, o natanggap din ang 4,684 baril dahil sa paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, habang 479 ang isinuko para sa safekeeping.
Mula Pebrero 13 hanggang 19, nakapagtala ang pulisya ng 250 aresto, 718 baril na nakumpiska o isinuko, at 85 na ipinasa para sa safekeeping.
Ayon sa PNP, bahagi ang kampanya ng kanilang Focused Agenda sa ilalim ng Enhanced Managing Police Operations (EMPO), na pinagsasama ang intelligence-led enforcement, checkpoints, at pakikipag-ugnayan sa komunidad.
“Hindi lang ito tungkol sa pagpapatupad ng batas. Ang layunin natin ay pigilan ang mga posibleng krimen at protektahan ang buhay. Bawat baril na wala sa ilegal na sirkulasyon ay isang panganib na naiiwasan (This is not just about law enforcement. Our goal is to prevent potential crimes and protect lives. Every gun that is not in illegal circulation is danger avoided),” ani PNP chief na si Jose Melencio Nartatez Jr..
Hinimok din ni Nartatez ang publiko na isuko ang mga hindi lisensyado o hindi na ginagamit na baril, iulat ang kahina-hinalang aktibidad, tiyaking ligtas ang pag-iimbak ng baril sa bahay, at sumali sa voluntary surrender programs.
Inatasan din niya ang Civil Security Group na obligahin ang mga delingkwenteng gun owners na mag-renew ng kanilang lisensya.
“Gun ownership comes with an obligation that includes renewing their licenses on time,” dagdag niya. RNT/MND