THE HAGUE, Netherlands – Nanatiling nasa “good spirits” si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbubukas ng confirmation of charges hearing sa kanyang kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC), ayon sa kanyang lead defense lawyer na si Nicholas Kaufman.
Sinabi ni Kaufman sa mga mamamahayag na “extremely happy with how things are going” umano si Duterte matapos siyang bisitahin ng defense team sa detention facility upang i-brief tungkol sa pretrial hearing.
“He is always in good spirits. He’s an 80-year-old man; he has all the conditions expected of an 80-year-old man. He has extra conditions which accompany his cognitive state,” ani Kaufman.
Pinanatili rin ng abogado na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay “behind this whole escapade” at umano’y “funding witnesses” sa kaso.
Nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng murder at attempted murder kaugnay ng pagkamatay ng 78 katao na pinaghihinalaang drug users at traders.
Inaasahang magsusumite ang depensa ng kanilang argumento sa Pre-Trial Chamber I matapos ang presentasyon ng prosekusyon at ng common legal representatives for victims.
Samantala, matapos hindi dumalo sa confirmation of charges hearing, humiling din si Duterte sa Pre-Trial Chamber I ng pahintulot na hindi na rin dumalo sa pagdinig kaugnay ng review ng kanyang detention.
Sa waiver na may petsang Pebrero 23 at pirmado niya, sinabi ng dating pangulo na isinusuko niya ang kanyang karapatang dumalo sa nakatakdang pagdinig sa Pebrero 27, nang hindi nagbanggit ng dahilan.
“My counsel has explained to me the legal consequences emanating from such a waiver, and I trust him and my ICC legal team to represent him faithfully,” ayon kay Duterte, na nananatiling nakakulong sa Scheveningen prison complex malapit sa ICC.
Nilinaw din ng depensa na binasa at ipinaliwanag kay Duterte ang isang pahinang waiver bago niya ito nilagdaan.
Ayon sa Rule 118(3) ng ICC Rules of Procedure and Evidence, maaaring magsagawa ng taunang pagdinig ang Pre-Trial Chamber kaugnay ng pre-trial detention ng akusado, alinman sa kahilingan ng prosekusyon o ng nakakulong na indibidwal.
Halos isang taon nang nakakulong si Duterte sa ICC detention facility mula nang maaresto noong Marso 11 sa Ninoy Aquino International Airport. Nauna na siyang humiling ng temporary liberty, ngunit ito ay tinanggihan ng hukuman. RNT/MND