ALBAY, Philippines – Pumasok na sa ika-51 araw ang effusive o non-explosive eruption ng Mayon Volcano nitong Miyerkules, Pebrero 25, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs). Patuloy ang pag-agos ng lava at pagbuga ng abo mula sa crater ng bundok.
Iniulat ng Phivolcs ang pag-alsa ng abo at lava hanggang 150–200 metro sa ibabaw ng crater noong 12:22 a.m., 3:07 a.m., 4:32 a.m., at 4:37 a.m. Miyerkules. Patuloy ding nagkakaroon ng incandescent lava flows, pyroclastic density currents (PDCs o “uson”), at rockfalls habang pinapalakas ng magma ang pagsabog.
Sa 24-oras na pagmamanman mula Pebrero 24 12 a.m. hanggang Pebrero 25 12 a.m., naitala ang 305 rockfall events, 15 PDCs, at tatlong volcanic earthquakes. Aktibo ang lava flows sa southern at eastern gullies, umaabot sa 3.8 km sa Basud Gully, 2.2 km sa Bonga Gully, at 1.3 km sa Mi-isi Gully. Mataas din ang sulfur dioxide emission sa 4,452 tons kada araw.
Nanatili sa Alert Level 3 ang Mayon, na nagpapahiwatig ng intensified magmatic unrest at posibilidad ng mapanganib na pagsabog. Ayon sa Phivolcs, bawal ang pumasok sa six-kilometer permanent danger zone, at ang mga residente sa loob ng eight-kilometer radius ay dapat maging handa sa posibleng evacuation kung tataas ang alert level. RNT/MND