MANILA, Philippines – Pinahintulutan ng Department of Education (DepEd) ang responsable at maayos na paggamit ng artificial intelligence (AI) sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa sa ilalim ng Department Order No. 003, series of 2026, o ang Foundational Guidelines on Artificial Intelligence in Basic Education.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, gagamitin ang AI bilang support tool sa pagtuturo at pagkatuto, basta’t sumusunod ito sa ethical, pedagogical, at human-centered standards.
“May ethical use of AI. Tapos hindi naman natin ipagbabawal ang AI,” ani Angara.
Sa ilalim ng guidelines na inilabas noong Pebrero 20, maaaring gamitin ng mga estudyante, guro, at non-teaching personnel ang AI para sa paggawa ng instructional materials, research, grammar checking, data analysis, at pagbuo ng assessment tools, basta’t may mahigpit na supervision at validation ng mga guro.
Binigyang-diin ng DepEd na auxiliary tool lamang ang AI at hindi dapat palitan ang papel ng mga guro at human judgment sa pagsusuri ng mga mag-aaral.
Inaatasan din ang mga mag-aaral na i-disclose at ilahad kung paano nila ginamit ang AI sa kanilang outputs, kabilang ang brainstorming, pagsusulat, research, at paggawa ng presentations. Ilan sa mga nabanggit na AI tools ay ChatGPT, Google Gemini, Grammarly, Quillbot, Canva, Tome, at Khanmigo.
Ayon kay Angara, layunin ng patakaran ang mas responsable at maayos na paggamit ng AI sa edukasyon. “We just need the students to disclose how they use AI para ma-integrate siya (so that it can be integrated) into their learning,” aniya.
Gayunman, ipinagbabawal ng DepEd ang paggamit ng AI applications na maaaring magdulot ng panganib sa karapatan at kaligtasan ng mga mag-aaral, kabilang ang biometric at emotion recognition systems, manipulative chatbots para sa mga menor de edad, social scoring, at facial recognition scraping.
Inilunsad din ng DepEd ang Project AGAP.AI noong Enero upang palawakin ang AI literacy at integrasyon nito sa edukasyon, na target maabot ang hindi bababa sa 1.05 milyong learners, 300,000 guro, at 150,000 magulang sa pamamagitan ng training programs sa pakikipagtulungan sa ASEAN Foundation at Google.org. Santi Celario