MANILA, Philippines — Iginiit ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) na hindi natatangi sa kanyang administrasyon ang mga kaso ng drug-related at extrajudicial killings (EJKs), at sinabing nagpatuloy pa umano ang mga ito sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa ikatlong araw ng confirmation of charges hearing sa The Hague, binanggit ng lead counsel na si Nicholas Kaufman ang “Dahas Project” ng University of the Philippines Third World Studies Center, at sinabing nanatiling “sky high” ang drug-related violence kahit matapos ang termino ni Duterte.
“So with all the Prosecution’s fancy bar charts, I’m pretty sure that if they were to recreate them for the period of two years after Duterte left power, they wouldn’t have room left to their computer screen, the numbers would be so sky high,” aniya.
Batay sa datos ng “RealNumbersPH,” may 6,252 ang nasawi sa anti-drug operations mula Hulyo 1, 2016 hanggang Mayo 31, 2022. Ayon kay Kaufman, ipinapakita ng Dahas Project na “there is no reason to believe that Duterte’s disappearance from the political scene would have frustrated the ongoing incidents of murder at the hands of state agents or vigilantes.”
Kinuwestiyon din niya kung bakit hindi umano iniimbestigahan ang mga pagkamatay sa ilalim ng administrasyong Marcos. “Why are my colleagues seating to the right, the victims’ representatives, not clamoring for accountability for those deaths, or is it of no consequences now that Mr. Duterte is seating in the ICC detention center?” aniya.
Ngunit ayon kay Atty. Michael Tiu ng UP College of Law, hindi nabubura ng mga kasalukuyang insidente ang pananagutan ni Duterte.
“Ibig sabihin lang noon, eh di kasuhan ninyo ‘yung sino pang involved pero hindi pa rin nagpapaabswelto doon sa ginawa niya,” ani Tiu sa panayam sa ANC.
Dagdag pa niya, hindi sapat na sabihing kaunti lamang ang namatay. “Para sa akin hindi nakakatulong ‘yung kaunti lang naman ‘yung namatay. Kasi ‘yun namang sinasabi ng prosecution, 79 counts lang naman ito, pero sample lang ito noong kabuuang numero,” aniya.
“Mayroon pa ring namatay, hindi lang isa, dalawa. Ibig sabihin, hindi siya parang random, accident incidents. Talagang may pattern,” dagdag pa niya.
Nauna nang sinabi ni Kaufman na ang mga kaso laban kay Duterte ay “grievously misplaced” at “politically motivated,” at inakusahan ang prosekusyon ng “cherry-picking” sa mga talumpati ng dating pangulo. Iginiit din niya na unconstitutional ang pag-aresto kay Duterte at kahit wala ang kanyang anti-drug campaign, pareho pa rin umano ang bilang ng mga nasawi dahil sa pagiging “transit hub for trafficking of narcotics” ng Pilipinas mula China.
Nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng crimes against humanity kaugnay ng mga umano’y pagpatay mula 2011 hanggang 2019, na sumasaklaw sa kanyang panunungkulan bilang alkalde ng Davao City at bilang pangulo ng bansa. RNT