MANILA, Philippines — Umaasa ang Malacañang na mananatiling maayos ang relasyon ng Pilipinas at China sa kabila ng diplomatic tension kaugnay ng mga pahayag ni Chinese Ambassador Jing Quan.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, nais ng administrasyon na mapanatili ang diplomatic at economic relations sa Beijing habang patuloy na ipinagtatanggol ang soberanya at interes ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
“Iba po kasi ang relasyon natin sa China pagdating sa trade and investment. Pero iba rin po ang usapin patungkol sa pag-protekta natin sa ating teritoryo at sa ating interes sa West Philippine Sea,” ani Castro.
Iginiit niyang hindi nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na masira ang relasyon ng dalawang bansa at dapat tugunan ang mga hindi pagkakaunawaan sa pamamagitan ng diplomasya.
Nag-ugat ang pinakahuling tensiyon sa sinabi ni Jing noong Oktubre 15 na maaaring “easily win” ang China kung gagamit ito ng puwersa, bagama’t sinabi rin niyang hindi nito nais gumamit ng dahas.
Noong Lunes, ipinatawag ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro ang Chinese ambassador upang ihayag ang “serious concern and strong objection” ng Pilipinas sa kanyang mga pahayag.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), sinabi ni Lazaro na “provocative and unacceptable” ang naging pananalita ni Jing at lalo lamang nitong pinaiigting ang sensitibong bilateral atmosphere.
Binigyang-diin din ng DFA na ang mga sensitibong usapin ay dapat idaan sa established diplomatic channels at bilateral mechanisms.
Sinabi ng kagawaran na pananatilihin nitong bukas ang komunikasyon sa China at magsisikap na patatagin ang relasyon sa mga non-sensitive areas, habang nananatili sa posisyon ng Pilipinas sa mahahalagang pambansang usapin.
“The Department reserves the right to take further diplomatic action as it deems necessary,” pahayag ng DFA. Kris Jose