CAGAYAN DE ORO – Sugatan ang isang motorcycle rider at ang kanyang babaeng angkas matapos umanong buhusan ng kemikal sa isang insidente ng acid attack sa bayan ng Carmen.
Namonitor ng Cagayan de Oro City Police Office ang insidente sa social media at nakitang umuusok ang jacket ng rider habang ang babaeng angkas ay binalutan ng tuwalya matapos silang buhusan ng kemikal ng riding-in-tandem.
Napaso ang ilang bahagi ng kanilang mukha at katawan.
Batay sa salaysay ng mga biktima, ino-overtake umano sila ng riding-in-tandem nang maganap ang insidente.
Inatasan ang Carmen Police Station na imbestigahan ang insidente dahil nakatakdang magtungo sa kanilang tanggapan ang mga biktima.
Ayon sa pulisya, nagtalaga sila ng mobile patrol sa ilang lugar, lalo na tuwing gabi. Hinikayat din ang mga opisyal ng barangay na bantayan ang kanilang nasasakupan, partikular ang mga madidilim na lugar.