Home METRO Sta. Ana Hospital pasok sa ‘World’s Best Hospital

Sta. Ana Hospital pasok sa ‘World’s Best Hospital

208
0

MANILA, Philippines – IBINIDA ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang malaking tagumpay ng Sta. Ana Hospital matapos itong pumuwesto sa ika-25 sa 35 ospital sa Pilipinas na napasama sa World’s Best Hospitals 2026 – Philippines list ng Newsweek.

Sa ilalim ng pamumuno ni Yorme Isko, isinailalim sa malawakang modernisasyon ang mga district hospital ng Maynila, lalo na ang Sta. Ana Hospital, kung saan in-upgrade ang mga pasilidad, pinalawak ang serbisyo, at pinalakas ang kakayahang medikal para sa mga residente ng Ikaanim na Distrito at mga karatig-lugar.

Bahagi ang ospital ng Manila City Health Cluster na pinamumunuan ni OIC City Health Officer Dr. Grace Padilla, dating direktor ng ospital, at ngayon ay pinangungunahan ni Dr. Janet Tan.

Isa sa pinakamalaking pagbabago sa Sta. Ana Hospital ang pagtatayo ng kumpletong vaccine storage facility upang masiguro ang tamang cold-chain system noong kasagsagan ng COVID-19 vaccination rollout sa lungsod.

Mayroon itong Haier HYC-390 refrigeration units para sa AstraZeneca at Sinovac vaccines, biomedical freezers para sa Janssen at Moderna, at -86°C ultra-low temperature freezers para sa Pfizer vaccines, kasama ang mga transport cooler para sa ligtas na distribusyon sa iba’t ibang vaccination site.

Itinayo rin sa loob ng ospital ang Manila Molecular Testing Laboratory na nagpalakas nang husto sa testing capacity ng lungsod noong kasagsagan ng pandemya.

Mayroon itong RT-PCR molecular facility na kayang magsagawa ng hanggang 1,000 swab test kada araw bawat makina gamit ang dalawang Sansure RT-PCR machines, bukod pa sa Xpert Xpress SARS-CoV-2 rapid molecular testing system.

Dahil dito, ang Sta. Ana Hospital ang nag-iisang LGU-run district hospital sa bansa na may dalawang uri ng molecular laboratory.

Nabatid na hindi lang testing ang pinaigting sa nasabing pampublikong ospital dahil nagtayo rin ang lungsod ng Physical Therapy and Rehabilitation Medicine and Robotics Center na may Hybrid Assistive Limb (HAL) units.

Ang makabagong robotic rehabilitation technology na ito ay tumutulong sa mga pasyenteng may neurological at musculoskeletal condition upang mapabilis ang paggaling at maibalik ang kanilang mobility.

Bahagi rin ng pagpapalawak ng libreng espesyal na serbisyong medikal ang pagtatayo ng dialysis center sa ospital.

May 11 dialysis seat ito, anim na Fresenius high-end hemodialysis machines, karagdagang HD units, dalawang makina na may portable reverse osmosis, HEPA filtration system, negative pressure room para sa mga infectious patient, at kumpletong emergency equipment gaya ng ECG at defibrillator units.

Noong pandemya, nagsilbing Manila Infectious Disease Control Center ang Sta. Ana Hospital na may 33 isolation ward para sa mga pasyenteng may nakahahawang sakit.

Nagbukas din ang lungsod ng bagong intensive care unit (ICU) upang madagdagan ang kapasidad sa critical care para sa COVID at non-COVID patient.

Umani rin ng pagkilala ang ospital mula sa mga pambansang institusyon. Nakatanggap ito ng 97/100 rating mula sa Metro Manila Center for Health Development – Health Facility Development and Enhancement Unit ng Department of Health—ang pinakamataas sa mga Level 2 public hospital sa Metro Manila noong COVID-19 response assessment.

Nakamit na rin ng Sta. Ana Hospital ang Level III General Hospital accreditation mula sa DOH, Provisional I Accreditation para sa Internal Medicine Residency Training Program mula sa Philippine College of Physicians, at nananatiling Mother+Baby-Friendly Hospital.

Ayon sa Newsweek, sinuri sa World’s Best Hospitals 2026 ang mahigit 2,500 ospital sa 32 bansa batay sa rekomendasyon ng medical expert, kalidad ng serbisyo, karanasan ng pasyente, at patient-reported outcome measures.

Sa kabila ng pagiging district hospital, patunay ang pagkilalang ito na kaya ng Maynila na makipagsabayan sa pinakamahuhusay pagdating sa serbisyong pangkalusugan.

JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here