MANILA, Philippines – IPINAHAYAG ng Bureau of Customs (BOC) na umabot na sa mahigit ₱102 milyon ang kanilang nalikom matapos ibenta sa public auction ang mga mamahaling sasakyang sangkot sa Discaya case.
Ayon sa BOC, siyam sa 13 nakumpiskang luxury vehicles ang tuluyan nang naipagbili, habang patuloy ang pagbawi ng gobyerno sa halaga ng mga nasamsam na ari-arian.
Nabatid ng BOC na bahagi ito ng pagsunod sa direktiba ni Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking transparent at may pananagutan ang paggamit sa mga government assets.
Giit ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno, mahalagang maibalik sa kaban ng bayan ang halaga ng mga nasamsam upang mapakinabangan ng publiko.
Sa isinagawang auction, labindalawang sasakyan ang inialok at pito rito ang konektado sa Discaya case. Tatlo sa mga ito ang agad na nabenta, dahilan upang mabilis na madagdagan ang pondo ng pamahalaan.
Nabili ang 2024 Lincoln Navigator sa halagang ₱6.950 milyon, habang ang 2022 Cadillac Escalade ESV ay umabot sa ₱6.623 milyon.
Pinakamalaki ang nakuha sa Bentley Bentayga na naibenta sa ₱12.178 milyon, patunay na may mataas pa ring demand sa mga high-end na sasakyan.
Sa tatlong unit pa lamang, pumalo agad sa higit ₱25.7 milyon ang kita, at kasama ang registration fees, umakyat ito sa ₱25.771 milyon.
Dahil dito, sumampa na sa kabuuang ₱102.468 milyon ang nalikom mula sa mga luxury vehicle na may kaugnayan sa Discaya case—pera na ngayon ay direktang mapupunta sa mga programang pakikinabangan ng taumbayan.